Sinimulan na ng mga transport group ang dalawang araw na nationwide transport strike bilang protesta sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis.
Pinangunahan ng grupong PISTON at ng No to Oil Price Hike Coalition ang tigil-pasada at mga kilos-protesta sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Nakikiisa sa strike ang mga tsuper at operator ng jeep, UV Express, TNVS, at motorcycle taxi.
Nagtipon ang mga transport worker sa ilang lugar kabilang ang Cubao sa Quezon City, kung saan nagsagawa ng pambungad rally umaga ng March 26. Nagtipon din ang mga tsuper sa mga itinakdang assembly points sa iba’t ibang bahagi ng Metro Manila at mga lalawigan tulad ng Laguna, Rizal, Iloilo, at Aklan.
Iginiit ng No to Oil Price Hike Coalition ang kanilang panawagan na alisin ang excise tax at value-added tax sa fuel at repasuhin ang Oil Deregulation Law. Ayon sa mga grupo, patuloy ang pagtaas ng presyo ng langis na direktang nakakaapekto sa pamasahe at kabuhayan ng mga tsuper.
Samantala, nagpatupad naman ng libreng sakay ang Department of Transportation sa ilang bahagi ng Metro Manila para tulungan ang mga commuter na naapektuhan ng tigil-pasada.
Inilatag ang libreng biyahe bilang pansamantalang hakbang para matiyak na may masasakyan ang publiko sa gitna ng limitadong operasyon ng public transport. /Bistado


