May bagong kapangyarihan ang gobyerno laban sa pagtaas ng presyo ng langis matapos lagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Republic Act 12316, na nagpapahintulot sa pansamantalang pagsuspinde o pagbawas ng excise tax sa petroleum products.
Sa ilalim ng batas, maaaring ipatupad ang hakbang kapag umabot o lumagpas sa US$80 kada bariles ang presyo ng Dubai crude oil sa loob ng isang buwan. Gagawin ito sa rekomendasyon ng Development Budget Coordination Committee at sa koordinasyon ng Energy Secretary.
Nakasaad sa batas na ang suspensyon o pagbabawas ng excise tax ay limitado sa hanggang tatlong buwan sa bawat pagkakataon, at hindi lalampas sa kabuuang isang taon.
Ayon pa sa RA 12316, awtomatikong ibabalik sa orihinal na antas ang buwis kung mangyari ang sumusunod: matapos bumaba sa ilalim ng US$80 kada bariles ang average na presyo ng Dubai crude oil sa loob ng isang buwan, base sa sertipikasyon ng Department of Energy, o matapos ang tatlong buwan, alinman ang mauna.
“The power of the President to temporarily suspend or reduce the excise tax on petroleum products granted under this Section shall be exercised only until December 31, 2028,” ayon pa sa batas.
Inaatasan din ang ehekutibo na magsumite ng ulat sa Kongreso hinggil sa batayan at layunin ng anumang tax suspension o reduction. Kabilang sa ulat ang inaasahang epekto nito sa kita ng pamahalaan, sa mga publiko, sa inflation at sa presyo ng langis, pati ang cost-benefit analysis at posibleng epekto nito sa merkado.
Bukod dito, inaatasan ang mga oil company na magsumite buwan-buwan sa Department of Energy ng datos hinggil sa cost components ng presyo ng petroleum products na kanilang ibinebenta.
Magiging epektibo ang batas 15 araw matapos mailathala sa Official Gazette o sa isang pahayagang may malawak na sirkulasyon. /Bistado


