Maglulunsad ng dalawang araw na nationwide transport strike sa March 26 at 27 ang iba’t ibang grupo ng tsuper, operator, manggagawa, at commuter para igiit ang mas malalim na aksyon ng gobyerno sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis.
Inanunsyo ang welga sa isang press conference ngayong Lunes, March 23, ng bagong-tatag na koalisyong “No To Oil Price Hike Coalition,” na pinag-isa ang iba’t ibang grupo ng mga tsuper, motorista, komyuter, konsyumer, at iba pang sektor na apektado ng pagtaas ng presyo ng krudo.
Kabilang sa nasabing koalisyon ang PISTON, Kariders at Kapatiran sa Dalawang Gulong o Kagulong na binubuo ng motorcycle taxi at delivery riders, Bus Employees Association of the Philippines, at Laban TNVS na kumakatawan sa mga TNVS drivers. Kalahok rin ang Defend Jobs Philippines, BPO Industry Employees Network, PARA Commuters’ Network, at National Union of Students of the Philippines.
Sa press conference, sinabi ni PISTON president Mody Floranda na ang ikakasang welga ay kasunod ng naunang tigil-pasada noong March 19 hanggang 20, at inaasahang mas lalawak ang partisipasyon sa susunod na pagkilos dahil mas marami nang sektor ang sumasama. Bukod sa Metro Manila, magkakaroon din ng mga protesta sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Dagdag ni Floranda, sa hapon ng March 27 ay magtitipon ang mga kalahok sa Welcome Rotonda at magmamartsa patungong Mendiola para tanungin ang pamahalaan kung ano na ang ginagawa nito sa patuloy na pagtaas ng presyo ng petrolyo.
Sa kanilang unity statement, iginiit ng alyansa na “naniniwala ang No To Oil Price Hike Coalition na kayang makontrol ng estado ang pagtataas ng presyo ng krudo at mabigyan ng alwan ang mga apektado nito,” sa pamamagitan ng pagpapatupad ng mga polisiyang pumapabor sa mamamayan.
Inilatag ng koalisyon ang kanilang anim na panawagan, kabilang ang pagtanggal ng VAT at excise tax sa produktong petrolyo, rollback ng presyo ng krudo tungong P55.00, pagbabasura ng Oil Deregulation Law at pagpapatupad ng price controls, pagpapatupad ng fare hike kasabay ng Php 1,200 family living wage, pagsasabansa ng industriya ng langis, at pagtigil sa gera. /Bistado


