Masayang ibinalita ni Jillian Ward na mas higit daw niyang ramdam sa ngayon ang kanyang pagiging artist.
Extra special nga sa tinaguriang Star of the New Gen ng Kapuso network ang pagiging ‘songwriter’ niya bukod sa pagiging isang lead star sa mga teleserye ng GMA 7.
Last Sunday sa All Out Sundays ay ni-launch at pinerform nga ni Jillian ang latest single niyang “Pumapag-ibig” kung saan naging co-writer siya.
Naikuwento nitong gawa na ang kanta nang maibigay sa kanya pero dahil nais daw niya itong lagyan ng kanyang personal touch, “marami akong mga binagong lyrics na mas na-express ko ‘yung nararamdaman ko talaga,” sey nito.

Personal itong inihahandog ni Jillian sa lahat ng nakaranas magmahal at nagmamahal pa daw kahit na may masakit minsan itong naidudulot .
“Sana magustuhan ninyo po ‘yung song. Tuwing pinapakinggan ninyo ‘to, isipin ninyo na lang kung sino ba talaga ang nakakuha ng puso ninyo at talagang nakasapul sa puso ninyo. This song is for everyone na pumapag-ibig,” nasambit pa ni Jillian sa kaugnay na panayam.
At 19, hindi naman naitanggi ng magandang dalaga na nakaranas na din siyang umibig. Hindi nga lang nito dinetalye kung puppy love ba ito o isang relasyon sa ka-edad niya o taga-showbiz din ba o ano.
Basta ang nasabi lang ni Jillian ay may pinaghuhugutan siya ng mga nasabi at naibahagi niya sa kanta.
Naging makahulugan din ang sinambit niyang sagot na, “magsisinungaling ako ‘pag sinabi kong hindi,” sa tanong kung meron bang nagpapasaya ng puso niya sa ngayon.
Matatandaang sa mga ibang panayam sa aktres ay binanggit nitong handa na siyang pasukin ang pagkakaroon ng boyfriend kung talaga daw mayroong darating na lalaki na magugustuhan niya.
At dahil si Eman Bacosa Pacquiao ang lalaking nauugnay sa kanya sa mga panahong ito at sinasabing pinaka-close male friend niya, marami ang nag-speculate na baka nga sila na.
Papasok kasi ang karakter ni Eman sa latest tv series na pinagibidahan ni Jillian na Never Say Die, kasama si David Licauco. Kung meron mang deal o publicity gimmick na naka-sentro sa kanila, mabibisto din naman iyan ng mga televiewers soon.
Sa isang panayam ng BISTADO, “secret” ang isinagot ni Eman nang maitanong dito kung nasaang level na ba o estado ng special friendship nila ni Jillian ang usaping “pumapag-ibig?”
Napapanood ang Never Say Die ng Monday to Friday, 8:50 p.m. sa GMA Prime. May same-day replay ito sa GTV tuwing 10:30 p.m at maaari rin itong i-livestream sa GMA Play, ang official streaming app ng GMA Network.
Ang awiting Pumapag-ibig naman ay available na sa mga music platform gaya ng Spotify at iba pa under Mirrorball Music in collaboration with Kreativ U’s Kim Hun Jik (Jack).


