MANILA — Nakatakdang muling sumirit ang presyo ng produktong petrolyo sa susunod na linggo, batay sa pinakahuling galaw ng pandaigdigang merkado.
Sa pinakahuling pagtataya, inaasahang tataas ng hanggang P15 kada litro ang diesel at hanggang P12 kada litro ang gasolina, batay sa apat na araw ng global trading ng petroleum products.
Kung tuluyang ipatupad ang nasabing pagtaas, posibleng pumalo ang presyo ng diesel sa humigit-kumulang P120 hanggang P130 kada litro, habang ang gasolina ay maaaring lumagpas sa P100 kada litro.
Ito na ang ikatlong sunod na linggo ng malalaking dagdag-presyo sa petrolyo, na direktang ramdam sa transportasyon at pang-araw-araw na gastusin ng mga Pilipino.
Ang muling pagtaas sa presyo ng krudo ay iniuugnay sa lumalalang sitwasyon sa Middle East. Nito lamang, naiulat na nagdeklara ang Iraq ng force majeure sa ilang oilfields dahil sa pagkaantala ng operasyon sa Strait of Hormuz, isang kritikal na ruta kung saan dumadaan ang malaking bahagi ng global oil supply.
Ang naturang pagkaantala ay nagdulot ng pagbagsak sa produksyon at pagtaas ng presyo sa international market, na siyang nagtutulak sa panibagong bigtime oil price hike. Naapektuhan din ang daloy ng export ng krudo mula Middle East, na pangunahing pinanggagalingan ng suplay ng langis ng maraming bansa sa Asya. /Bistado


