Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

Fuel ayuda payout sa QC, dinagsa ng reklamo

Dumagsa ang reklamo ng mga tricycle driver sa Quezon City matapos muling mabigo ang marami sa kanila na makatanggap ng P5,000 ayuda sa kabila ng inilatag na special payout ng pamahalaan nitong March 20.

Ayon sa mga tricycle driver, ilang araw na silang pabalik-balik para mag-verify ang kanilang pangalan sa listahan, ngunit marami pa rin ang umuuwi na walang natatanggap. 

Ayon sa mga driver na nakausap ng Bistado, hindi malinaw kung bakit hindi sila kasama sa payroll kahit aktibo silang miyembro ng kanilang TODA.

Ayon sa mga opisyal, may problema sa datos na isinumite ng lokal na pamahalaan sa Department of Social Welfare and Development (DSWD). Dahil dito, hindi agad maisama ang ibang benepisyaryo sa payout list kahit nakalista sila sa kanilang mga organisasyon.

Hindi bababa sa 6,000 tricycle drivers sa Quezon City ang wala pang natatanggap na tulong. Dahil dito, marami ang napilitang pumila muli kahit hindi sila kabilang sa schedule, umaasang maisasama sila sa listahan.

Bukod sa kawalan ng natanggap na ayuda, reklamo din ng mga driver na lumalaki na ang gastos nila dahil sa pamasahe o gasolina sa bawat balik nila sa payout site. Para sa ilan, dagdag pasanin ito sa halip na makatulong.

Ayon sa DSWD, nasa 85 porsiyento na ng mga tricycle driver sa Metro Manila ang nakatanggap ng ayuda. Gayunman, kinilala ng ahensya na marami pa ring hindi nabibigyan dahil kulang ang datos na naipapasa ng mga lokal na pamahalaan, tulad ng birthday, address, at middle initial ng mga benepisyaryo.

Nilinaw ng DSWD na patuloy ang pagproseso at beripikasyon ng mga listahan na ipinapadala ng mga lokal na pamahalaan. 

Samantala, nakatakda namang isunod sa payout ang ibang sektor ng transportasyon tulad ng jeepney, TNVS, motorcycle taxi, at delivery riders, kung saan ang listahan ng mga benepisyaryo ay manggagaling sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles