Nanawagan ang Negosyo Advocates, organisasyon ng Micro, Small, and Medium-sized Enterprises (MSMEs), sa pamahalaan na magbigay ng agarang at direktang tulong sa maliliit na negosyo at mga lokal na producer, kasabay ng lumalalang epekto ng global tensions sa ekonomiya ng Pilipinas.
Sa isang pahayag, binigyang-diin ng grupo ang epekto ng patuloy na tensyon na kinasasangkutan ng United States at Israel laban sa Iran, na anila ay nagtutulak ng pagtaas ng presyo ng langis at nagpapabigat sa ekonomiya.
Ayon sa Negosyo Advocates, kabilang ang MSMEs sa pinakaapektadong sektor. Dahil sa pagtaas ng gastos sa operasyon, nahihirapan ang maraming maliliit na negosyo na magpatuloy. Binalaan nila na kung walang agarang suporta, may mga negosyo na mapipilitang magbawas ng operasyon o tuluyang magsara, na posibleng magdulot ng pagkawala ng trabaho.
Ipinunto rin ng grupo na hindi sapat ang ayuda bilang pansamantalang solusyon. Anila, kailangan ng mas malawak na hakbang tulad ng targeted support para sa MSMEs, mga hakbang para sa price stabilization, at mga programang magpoprotekta sa parehong consumer at producer.
“Direct and timely assistance to MSMEs and local producers is critical at this time,” ayon sa grupo. “These sectors are essential to maintaining economic activity and livelihoods, and must be supported to prevent further disruption.”
Tinukoy din ng grupo ang kahinaan ng bansa sa food security. Ayon sa kanila, ang pagdepende sa imported agricultural products ay nagpapataas ng panganib tuwing may global disruptions tulad ng digmaan at problema sa supply.
“This crisis once again shows the urgent need to strengthen local agriculture,” ayon sa grupo. “Filipino farmers must be supported, and local production must be prioritized to ensure a stable and secure food supply.”
Nanawagan ang grupo sa pamahalaan at publiko na magtulungan para suportahan ang MSMEs, lokal na producer, at kabuhayan sa gitna ng patuloy na krisis. /Bistado


