Kakasuhan ng Department of Agriculture ang mga indibidwal na nagpapakalat ng maling impormasyon kaugnay ng presyo at supply ng pagkain, kasunod ng tumitinding usapin sa presyo ng bigas at iba pang bilihin.
Ito ang pahayag ni Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr. matapos maghain ng cyber libel complaints laban sa abogadong si Levito Baligod at dating kongresistang si Zaldy Co.
Isinampa ni Tiu Laurel ang reklamo sa Makati City Prosecutor’s Office noong March 19. Inakusahan ng agriculture secretary ang dalawa ng pagpapakalat ng maling alegasyon laban sa ahensya, kabilang ang umano’y iregularidad at maling paggamit ng pondo.
Ayon sa kalihim, “purely fiction” ang mga paratang at walang basehan ang mga ito. Itinanggi rin niya ang alegasyon na may kaugnayan siya sa umano’y “cash delivery scheme,” at iginiit na hindi niya kilala ang mga taong nagbanggit ng naturang kwento.
Binigyang-diin ng DA na mahalaga ang tamang impormasyon lalo na sa panahon na sensitibo ang publiko sa presyo ng pagkain. Ayon sa kalihim, bukas ang ahensya sa kritisismo, pero dapat ito ay nakabatay sa totoong datos at hindi sa maling paratang.
Dagdag ni Tiu Laurel, ang patuloy na pagkalat ng maling impormasyon ay hindi lamang personal na pag-atake kundi nakakaapekto rin sa trabaho ng ahensya sa pagtugon sa isyu ng pagkain at agrikultura.
Sa ilalim ng batas, ang cyber libel ay isang krimen na may kaukulang parusa, kabilang ang pagkakakulong at multa, kapag napatunayang may paninirang-puring ginawa gamit ang online platforms. /Bistado


