Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

Civil registry officials sa North Cot, nahuling nagpoprocess ng pekeng birth cert

Kinasuhan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang ilang civil registry officials at pribadong indibidwal kaugnay ng umano’y pagproseso ng pekeng birth certificates sa North Cotabato.

Pinangunahan ng NBI–Central Mindanao Regional Office ang imbestigasyon, katuwang ang Philippine Statistics Authority (PSA), na tumutok sa mga iregularidad sa Local Civil Registry Offices ng Pikit at Aleosan.

Batay sa imbestigasyon, lumitaw ang umano’y sabwatan ng ilang local civil registrar, kanilang staff, at isang retiradong municipal civil registrar na nagsilbing facilitator. Nilaktawan umano ng mga sangkot ang mga ligal na proseso para maiproseso ang late registration ng Certificates of Live Birth gamit ang mga pekeng dokumento.

Ayon sa NBI, mga dayuhan, karamihan ay Chinese nationals umano, ang nakinabang sa nasabing sistema. Sa paggamit ng mga pekeng identidad, nakakuha sila ng Filipino civil status.

Lumabas din sa ebidensya na may mga birth records na “ready-made,” o naproseso at na-isyu kahit hindi dumaan sa mandatory verification procedures. Kapalit nito, tumanggap umano ng pera at iba pang benepisyo ang ilang personnel sa registry offices.

Ayon sa PSA, mahigit 50,000 birth records sa higit 1,600 registry offices sa buong bansa ang na-flag bilang posibleng may iregularidad. Itinuturing na high-risk areas ang Pikit at Aleosan, dahilan para tutukan ng NBI ang operasyon sa mga lugar na ito.

Inirekomenda ng NBI ang pagsasampa ng kaso laban sa mga sangkot para sa paglabag sa Republic Act No. 3753, Republic Act No. 3019, at Republic Act No. 6713, pati na rin sa falsification of public documents at perjury sa ilalim ng Revised Penal Code. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles