Mahigit 10,000 magsasaka, mangingisda at iba pang food producers sa Camarines Sur ang inaasahang makikinabang sa apat na bagong cold storage facility at katayan na binuksan ng Department of Agriculture (DA) upang mabawasan ang nasasayang na ani at mapataas ang kita.
Binuksan noong Lunes, October 19, ang solar- at wind-powered cold storage at katayan sa San Jose, habang may katulad na cold storage facilities sa Garchitorena, Lagonoy at Tigaon.
Nagkakahalaga ng P45.5 milyon ang apat na cold storage facility, habang P6 milyon ang katayan, o kabuuang P51.5 milyon.
Namahagi rin ang DA ng P79.6 milyong tulong, kabilang ang four-wheel drive tractors, combine harvesters, binhi, kagamitan sa paghahalaman, bangka at fishing gear.
Aabot sa 10,762 food producers mula sa 10 bayan ang inaasahang makikinabang, habang 1,303 livestock raisers mula sa 29 barangay ang maaaring gumamit ng bagong katayan.
Sa P51.5 milyong halaga ng mga pasilidad, P41.2 milyon ang pinondohan sa pamamagitan ng World Bank loan, habang paghahatian ng pambansa at lokal na pamahalaan ang natitira.
“Ang mga pasilidad na ito ay mga pamumuhunan para sa kabuhayan ng ating mga magsasaka, mangingisda, at nag-aalaga ng hayop. Sa pamamagitan ng pagbawas sa pagkalugi ng mga produkto pagkatapos anihin, pagpapahusay sa mga serbisyo sa paghawak ng karne, at pag-uugnay sa mga lokal na prodyuser sa mas magagandang pamilihan, matutulungan natin silang kumita nang higit mula sa kanilang pagsisikap,” sabi ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr.
May 40-foot storage units ang mga pasilidad na kayang magpanatili ng temperaturang 1°C hanggang 10°C para sa gulay, pinya, kamote at iba pang madaling masirang produkto.
Pinapagana ang mga ito ng 30 solar panels, 3-kilowatt wind turbine at lithium-ion batteries, na may diesel generator bilang backup.
Dinisenyo rin ang mga pasilidad upang makayanan ang malalakas na bagyo, na may target wind resistance na hanggang 350 kilometers per hour.
Bahagi ang proyekto ng Philippine Food Chain Logistics Master Plan 2023–2033, na naglalayong mapabilis ang pagdadala ng ani sa mga pamilihan.
Inaasahan ng DA na makatutulong ang mga pasilidad sa pag-iimbak, pagproseso at transportasyon ng mga produkto, habang lumilikha ng karagdagang trabaho sa mga komunidad. /Bistado


