Sa pagdating ng World Surf League (WSL) Philippines Pro Championship Tour (CT) sa Siargao sa Oktubre 30 hanggang Nobyembre 8, maitatala ang makasaysayang unang pagkakataon na maging host ang Pilipinas ng pinakaprestihiyoso at pinakamahigpit na kompetisyon sa surfing sa buong mundo.
Para sa mga Pilipinong tagahanga, nakatuon ang pansin kina John Mark “Marama” Tokong, Jayuard Alciso at Mara Lopez na mga ginawaran ng wildcard upang makipagkompetensiya sa sarili nilang home break na Cloud 9.
Ang WSL Championship Tour ay maihahambing sa Formula 1 Grand Prix sa karera ng sasakyan o sa Wimbledon at French Open sa tennis — nakalaan para sa mga pinakamahusay na atleta ng naturang isport.
Ang pagkakaroon ng mga Pilipinong surfer sa hanay ng mga kalahok ay isang malaking tagumpay para ipakita ang lokal na talento.
“Getting the chance to compete in a CT event at my home break is one of my biggest dreams. I’m really grateful for the opportunity and excited to represent my hometown and our country,’’ ani Tokong.
Noong 2023, lalong pinatatag ni Tokong ang kanyang pangalan nang maging kauna-unahang Pilipinong surfer na makapasok sa WSL Challenger Series.
Dahil sa likas niyang kaalaman sa mga alon ng Cloud 9, na pinatalas ng maraming taon ng pakikipagkompetensya, isa siya sa perpektong kinatawan ng Pilipinas sa kauna-unahang Championship Tour event sa bansa.
“Honestly, I’d be happy to surf with anyone. Just sharing the lineup with the best surfers in the world is already an honor. If I had to choose, I’d love to surf against Gabriel Medina or Italo Ferreira, That would be added to my core memories,’’ ani Tokong.
Gaya ng sinabi ni World Surf League Asia Pacific president Andrew Stark, si Tokong ang mukha ng Cloud 9.
“There is no better person to represent the Philippines in the country’s first Championship Tour event,” ani Stark.
Matagal nang nagsisilbing pagsubok sa husay ng mga international surfer ang Cloud 9 dahil sa perpekto nitong mga right-hand barrel wave. Ngunit walang mas nakakakilala sa mga alon na ito kaysa kay Tokong.
Mula nang mapasama ang Siargao International Surfing Cup sa WSL Qualifying Series noong 2014, nakapagtala si Tokong ng kahanga-hangang rekord na limang pagpasok sa finals at apat na kampeonato noong 2015, 2019, 2022 at 2023.
Dahil sa kanyang pangingibabaw, hindi opisyal na itinanghal siyang “King of Cloud 9.”
“The waves have always been here. The talent has always been here,” sabi ni Presidential Son at Philippine Sports Ambassador William Vincent “Vinny’’ Araneta-Marcos, na naging masigasig na puwersa sa likod ng pag-angat ng Philippine surfing. `
“Bringing the WSL Championship Tour to the Philippines is the perfect opportunity to finally show the world what Filipinos have known all along: The Philippines has everything the world is looking for. Siargao will be unforgettable.’’
Tinawag naman ni Philippine Sports Commission Chair Patrick Gregorio ang kaganapan bilang isang “historic moment for Philippine surfing.”
Binigyang-diin niya na ang pagdating ng WSL Championship Tour sa Siargao ay hindi lamang isang mahalagang tagumpay sa larangan ng palakasan, kundi isa ring tagumpay para sa kultura at buong bansa.
“Hosting this event will inspire a new generation of athletes, elevate sports tourism and showcase the vision and heart of the Filipino people. Let this moment remind the world that the Philippines is ready to stand shoulder to shoulder with the best,” ani Gregorio.
Kabilang sa mga pangunahing kalahok sa men’s Championship Tour ang world No. 1 na si Yago Dora ng Brazil, si Leonardo Fioravanti ng Italy, ang mga Brazilian na sina Italo Ferreira, Miguel Pupo, Gabriel Medina at Filipe Toledo, si Kanoa Igarashi ng Japan, at ang American star na si Tyler Wright.
Sa women’s division, darating ang nangungunang Australian na si Molly Picklum, ng American sensation na si Caroline Marks, ng sumisikat na talento na si Erin Brooks, ni Gabriela Bryan ng Hawaii, at ng beteranang si Lakey Peterson.
Naging posible ang pagho-host ng bansa sa pandaigdigang paligsahang ito sa surfing dahil sa sama-samang pagsisikap ng mahahalagang pambansang ahensya — Department of Tourism, Department of Public Works and Highways, Tourism and Events Infrastructure and Safety Administration at National Electrification Administration, sa pakikipagtulungan ng Siargao Electric Cooperative, Inc.
Tiniyak ng kanilang pagtutulungan na ganap na handa ang Siargao na tanggapin ang 24 na pinakamahusay na lalaking surfer at 16 na babaeng surfer sa buong mundo, kabilang ang tatlong Pilipino, sa Cloud 9.


