Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

Smuggled carrots, broccoli sa Benguet? DA nag-utos ng imbestigasyon

Pinaiimbestigahan ng Department of Agriculture (DA) ang umano’y pagpupuslit ng carrots, broccoli at iba pang gulay matapos makakita ng imported at pinaghihinalaang smuggled na produkto sa mga pamilihan sa Baguio City at La Trinidad, Benguet.

Inatasan ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ang DA Inspectorate and Enforcement Office at Bureau of Plant Industry (BPI) na tukuyin ang pinagmulan ng mga gulay na nakikipagkompetensiya sa lokal na ani.

Batay sa monitoring report ng DA-Cordillera noong October 15, tatlong puwesto sa Baguio Hangar Market ang nagbebenta ng imported na broccoli. May nakita pang styrofoam box na may markang “Product of China.”

Ayon sa mga tindero at distributor, tinatayang 50 kahon ng broccoli na nagkakahalaga ng P1,250 bawat isa ang kinukuha umano kada dalawang araw mula sa supplier sa Santo Cristo, Divisoria.

Dinadala umano ang mga ito sa pamamagitan ng mga truck na bumabalik mula Manila. Nasa P170 hanggang P250 kada kilo ang bentahan ng broccoli sa mga minonitor na pamilihan.

Gayunman, hindi pa kumpirmado kung iligal na naipasok sa bansa ang mga gulay.

“Aalamin natin ang buong katotohanan tungkol dito, at kung mapatunayang nilabag ang Anti-Agricultural Economic Sabotage Law, sisiguraduhin nating maparusahan ang mga lumabag,” sabi ni Tiu Laurel.

Nakatanggap din ang monitoring team ng reklamo mula sa mga market facilitator dahil nahihirapang maibenta ang lokal na ani. May ilang mamimili umanong mas pinipili ang mas murang imported na broccoli.

Inirekomenda ng DA-Cordillera ang magkasanib na inspeksyon sa mga trading center sa Metro Manila, Calabarzon at Central Luzon upang suriin ang import documents, quarantine compliance at food safety requirements.

Makikipagtulungan din ang DA sa Department of Trade and Industry at Department of the Interior and Local Government para higpitan ang market monitoring, product labeling at price tagging.

Samantala, kumuha na ang BPI ng broccoli samples para suriin sa laboratoryo kung may heavy metals at formalin ang mga ito.

Binigyang-diin ng DA na dapat nakabatay sa beripikadong ebidensiya ang anumang kaso o parusa.

Patuloy ding isinusulong ng DA ang direktang pag-uugnay ng mga magsasaka sa mga mamimili upang mapalakas ang bentahan ng lokal na gulay. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles