Pinakikilos ni President Ferdinand Marcos Jr. ang mga ahensya ng gobyerno para tiyaking sapat ang pagkain, tubig, kuryente at langis sa gitna ng banta ng matinding El Niño.
Sa pulong sa Malacañang noong Martes, October 13, iniutos ng Pangulo ang mas mabilis at koordinadong pagtugon sa tagtuyot, lalo na sa mga apektadong komunidad.
“Mas pinaigting at palakasin ang lahat ng mga ginagawa ng pamahalaan laban sa El Niño. Ito ang kautusan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa lahat ng ahensiya ng pamahalaan na nakatutok upang maibsan ang epekto ng tagtuyot sa bansa,” sabi ni Palace Press Officer Claire Castro.
Sa pagkain, tiniyak ng Palasyo na may reserbang bigas na sapat sa 75 araw, baboy sa 170 araw at manok sa 125 araw. Mag-aangkat kung kinakailangan, habang magbibigay ng ayuda, pansamantalang trabaho at training sa mga magsasakang maaapektuhan.
Sa tubig, kabilang sa mga hakbang ang cloud seeding, maayos na pamamahala ng mga dam at muling paggamit sa 61 isinara nang deep wells sa Metro Manila.
Nakahanda rin ang 134 stationary water tanks at 182 mobile water tankers.
Target matapos sa November ang Kaysakat Water Treatment Plant sa Upper Wawa Dam na magdadagdag ng 160 milyong litro ng tubig kada araw.
“Sa kabuuan ay may inaasahang 440 million liters per day ng tubig bago matapos ang taon,” ani Castro.
Sa kuryente, binabantayan ang posibleng power shortage at red alerts, partikular sa Visayas.
Nakahanda ang dagdag na 253 megawatts mula sa battery energy storage systems at 218 megawatts mula sa power barges. Pinabibilis din ang mga proyektong magdadagdag ng 1,500 megawatts sa suplay.
Tiniyak din ng Palasyo na sapat ang suplay ng langis habang patuloy ang pakikipag-ugnayan sa ibang bansa para sa karagdagang petrolyo.
Sa kalusugan, inihahanda ang mga ospital laban sa matinding init. Magsasagawa rin ng house-to-house monitoring ang barangay health workers para sa mga bulnerable sa dengue at heatstroke.
Magbibigay ang Department of Science and Technology ng two-day heat index forecasts, habang maglalabas ang Department of Labor and Employment ng advisories para sa mga manggagawa.
Nanawagan din ang Malacañang sa publiko at pribadong sektor na magtipid sa tubig at kuryente at makiisa sa paghahanda.
“Kapag lahat tayo ay tulung-tulong sa paglaban sa kalamidad, malalampasan natin ang negatibong epekto ng El Niño,” ani Castro. /Bistado


