Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

12,480 MT bigas mula Vietnam hinarang, import permit kinansela ng DA

Kinansela ng Department of Agriculture (DA) ang import permit ng 12,480 metriko toneladang bigas mula Vietnam na sakay ng MV Tay Son 2 matapos makatanggap ng impormasyong may problema sa kargamento.

Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., siya mismo ang nag-utos sa Bureau of Plant Industry (BPI) na kanselahin ang sanitary and phytosanitary import clearance (SPIC) bago pa dumating ang barko sa Pilipinas.

“Binibigyan ng mga kritiko ng DA ng maling paglalarawan ang insidenteng ito, na nagpapahiwatig ng malisya at korapsyon sa pamamagitan ng mga paratang na maaaring mauwi sa libel,” sabi ni Tiu Laurel nitong Miyerkules, October 14.

“Iba ang ipinapakita ng mga rekord. Ang DA, sa pamamagitan ng aking tanggapan, ang nagpahinto sa kargamento nang iutos namin sa Bureau of Plant Industry (BPI) na kanselahin ang sanitary and phytosanitary import clearance nito, kahit pa naglalayag na patungong Pilipinas ang barko,” dagdag niya.

Ayon sa kalihim, hiniling ng importer na Planters Product Inc. (PPI) ang pagkansela dahil 25% broken rice ang kanilang in-order ngunit ipinaalam na 5% broken rice ang laman ng shipment.

Nag-expire na rin umano ang importation contract dahil July pa dapat dumating ang bigas, hindi September kung kailan nagsisimula ang anihan sa tag-ulan.

Katumbas ng halos isang-katlo ng 37,000 metriko toneladang pang-araw-araw na konsumo ng bansa ang naturang kargamento.

Dumating ang MV Tay Son 2 sa Port of Davao noong September 14, ngunit tumanggi umano ang kapitan na ipa-inspeksiyon sa BPI ang bigas.

Noong September 17, umalis ang barko habang pinagpapasyahan pa ng Bureau of Customs (BOC) ang gagawin sa kargamento.

Agad nag-utos si Tiu Laurel ng hold order at inalerto ang BOC upang pigilan ang posibleng pagbaba ng bigas sa ibang pantalan.

Hinarang ng Philippine Navy ang barko sa karagatan sa labas ng Sarangani at dinala sa Port of General Santos City. Doon, muli umanong tumanggi ang kapitan sa inspeksiyon.

Kalaunan, ibinalik ang barko sa Davao, kung saan nananatili ito habang hinihintay ang desisyon ng BOC.

Inirekomenda na ng BPI na ibalik ang bigas sa Vietnam. Maaari rin itong kumpiskahin ng BOC at patawan ng kaukulang parusa, depende sa resulta ng pagsusuri.

Binigyang-diin ng DA na hindi maaaring ipasok sa bansa ang agricultural shipment nang walang balidong import clearance.

Ayon kay Tiu Laurel, kinansela ang permit bago dumating ang barko kaya hindi nakapasok sa lokal na merkado ang kontrobersiyal na bigas. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles