Hinarang ng Bureau of Immigration (BI) ang apat na Pilipinong pasahero sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) matapos mabuking ang umano’y planong magtrabaho sa Myanmar gamit ang mga kuwestiyonableng dokumento.
Ayon sa BI nitong Miyerkules, October 14, naharang noong October 6 ang mga pasaherong kinilalang sina Lin, 27; Tina, 22; Mela, 25; at Shelly, 41.
Una nilang sinabi na magkakatrabaho sila at pupunta sa Thailand para sa limang araw na company-sponsored incentive trip.
Pero sa secondary inspection, inamin umano ng apat na hindi sila empleyado ng kumpanyang kanilang binanggit.
Myanmar pala ang kanilang tunay na destinasyon, kung saan inalok umano sila ng customer service jobs na may sahod na $1,000 hanggang $1,500 kada buwan.
Ayon sa BI, na-recruit ang apat sa pamamagitan ng Facebook, Telegram at iba pang online platforms. Ang kanilang recruiters din umano ang nagbigay ng travel at employment documents.
Nagduda ang immigration officers dahil sa mga kuwestiyonableng dokumento at hindi magkakatugmang detalye ng kanilang return tickets.
“Our airports must never become gateways for the exploitation of Filipinos. We will continue to scrutinize suspicious travel arrangements and stop potential victims before they fall into the hands of illegal recruiters and traffickers,” sabi ni BI Commissioner Joel Anthony Viado.
Pinayuhan ng BI ang publiko na tiyaking lehitimo ang overseas job offers at mag-ingat sa mga recruiter na nakikipag-ugnayan sa social media at messaging apps.
Samantala, sa hiwalay na operasyon, inaresto rin ng BI ang isang Swedish national na pinaghahanap sa Finland dahil sa mga kasong fraud.
Kinilala ang suspek na si Andre Per Michael Palmqvist, 35, na nadakip sa Barangay Banilad, Bacong, Negros Oriental noong October 4.
Ayon kay BI Fugitive Search Unit Chief Rendel Ryan Sy, may Interpol Red Notice laban kay Palmqvist kaugnay ng aggravated fraud at attempted aggravated fraud.
“Palmqvist is wanted by Finnish authorities for multiple fraud-related charges and is the subject of an Interpol Red Notice. Our unit acted on the information provided by our foreign counterparts and located him in Negros Oriental,” sabi ni Sy.
Huling dumating sa Pilipinas ang dayuhan noong August 21, 2022 at overstaying na mula August 2025.
Kasalukuyan siyang nakakulong sa BI Warden’s Facility sa Taguig City habang hinihintay ang deportation proceedings. /Bistado


