Kwalipikado ang Philippine Under-17 women’s football team (Filipinas U17) sa AFC (Asian Football Confederation) U17 Women’s Asian Cup sa ikatlong sunod na pagkakataon matapos walisin ang Group H ng 2027 qualifying tournament sa Do’stlik Stadium Training Pitch 1 sa Tashkent, Uzbekistan nitong Linggo.
Tinalo ng Pilipina ang Bangladesh, 3-0.
Noong Oktubre 5. ang host country ang nablangko ng Filipinas, 4-0.
“Qualifying once is an achievement. Qualifying three times in a row tells us the work behind this program is sustainable. Each batch of the Filipinas U17 has built on the one before it, and we are proud of every player, staff member, and supporter who made this possible,” ayon kay PFF president John Anthony Gutierrez.
Napanatili ng Bangladesh na walang puntos ang Pilipinas sa loob ng 72 minuto. Naagaw ng goalkeeper na si Meghla Rani Roy ang tira ni Noelle Granger sa harap ng goal sa ikalimang minuto, habang nasagip naman ang tira ni Aryanna Capsa mula sa kaliwa sa ikaanim na minuto. Nasalo rin ang lob (chip) ni Ariana Enderes mula sa itaas ng penalty area sa ika-16 na minuto, gayundin ang tira ni Granger habang tumatakbo mula sa kanan sa ika-24 na minuto.
Nagkaroon ng mga pagkakataon ang Bangladesh bago ang halftime. Bahagyang lumihis sa goal ang header ng defender na si Mousumi Akter mula sa isang corner kick sa kaliwa noong ika-44 na minuto, habang tumama naman sa crossbar ang lob (chip) ng striker na si Alpi Akter mula sa labas ng penalty area sa dagdag na oras ng unang half.
Nabuksan ng Pilipinas ang iskor sa ika-73 minuto. Itinulak sa loob ng goal ng right back na si Maya Rose Bascara ang bola sa gitna ng agawan matapos ang isang corner kick mula sa kaliwa.
Napanatili ng goalkeeper na si Abigail Garcia ang kalamangan ng Pilipinas sa ika-79 na minuto nang sagipin niya ang tira ni Alpi Akter sa isang one-on-one counterattack.
Tuluyang tiniyak ni Granger ang panalo sa mga huling minuto ng laro. Sa ika-90 minuto, umiskor siya mula sa kanang bahagi ng harapan matapos makatanggap ng mahusay na through ball mula sa midfield na ipinasa ng substitute na si Ariana Gementiza.
Nakumpleto ni Granger ang kanyang brace wala pang isang minuto ang lumipas nang muli siyang umiskor sa pamamagitan ng tira habang tumatakbo, kasunod ng interception ni Savannah Chheng at isang mahabang pasa nito.
Umiskor ng limang goal ang papasok na manlalaro ng Florida Gators sa dalawang qualifying match, matapos magtala ng hat-trick laban sa Uzbekistan.
Ang ilang manlalaro mula sa mga naunang batch ay bahagi na ngayon ng senior Filipinas squad. Kabilang sa mga regular na miyembro ng pambansang koponan sina Alexa Pino, Jael Guy at Ariana Markey ng Batch ‘24, gayundin sina Aiselyn Sia, Tea Pidding at Leah Bradley ng Batch ‘26.
Target ng senior Filipinas na makasali sa FIFA Women’s World Cup sa susunod na taon para sa ikalawang sunod na pagkakataon.
“Sustainable excellence means a young player can see a path from the U17 team to the senior national team. Alexa, Jael, Ariana, Aiselyn, Tea, and Leah are examples of that path, and they are helping the Filipinas as the senior team pursues a second straight World Cup. We want every new batch to follow them, and we are seeing great potential in the current U17 Filipinas,” ani Gutierrez.
Ayon naman kay team Selu Lozano, tagumpay ito na pinaghahatian ng buong koponan.
“Credit goes to our players, coaches, staff and everyone who has supported this journey,” aniya.
Nagbigay rin siya ng papuri sa dating head coach ng Filipinas na si Alen Stajcic dahil sa paggabay nito sa koponan sa buong torneo.
“Beyond his experience at the Olympics and World Cup, what I value most is his genuine care for the Philippines and our girls. As a mentor, a coach, and a friend, his contribution is invaluable,” pahayag ni Lozano.
Sinabi ni Lozano na hindi magbabago ang direksyon ng programa anuman ang maging resulta ng mga laban.
“This result gives us encouragement, but whether we win or lose, our long-term direction remains the same,” aniya.
Ibabaling na ngayon ng Filipinas U17 ang kanilang atensiyon sa AFC U17 Women’s Asian Cup na gaganapin sa China sa Abril 2027. Isasagawa naman sa Disyembre ang draw para sa torneo.


