Palalawakin ng Department of Agriculture (DA) ang produksyon ng ube sa Cagayan Valley para sabayan ang lumalaking pandaigdigang demand at magbukas ng mas maraming export opportunities para sa mga magsasaka.
Sa Echague, Isabela, nakikipagtulungan ang DA sa lokal na pamahalaan, farmer cooperatives at private investors para madagdagan ang taniman at matiyak ang merkado ng ani.
Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., mahalaga ang pagtutulungan ng gobyerno at pribadong sektor para mapataas ang produksyon at kita ng mga magsasaka.
“Sa pamamagitan ng pagsasama ng teknikal na kaalaman at suporta sa produksyon mula sa DA, at kakayahan ng mga LGU na pakilusin ang mga magsasaka, tukuyin ang mga angkop na lugar, at magbigay ng lokal na suporta, mapapabilis natin ang pagpapalawak ng produksyon, matutugunan ang lumalaking pandaigdigang demand, at makakabuo tayo ng mas malaking merkado para sa eksport. Magbubunga ito ng mas mataas at mas matatag na kita para sa ating mga magsasaka,” ani Tiu Laurel.
Naglaan ang DA Regional Field Office II ng P3.7 milyon para sa pagpaparami ng 420,000 ube setts o planting materials sa anim na research centers at stations.
Hanggang October 7, nasa 211,180 piraso na ang naihatid sa Echague, habang 208,820 pa ang susunod na ipamamahagi.
Target ding madagdagan ng 70 ektarya ang taniman, na mangangailangan ng 1.4 milyong ube setts. Plano ng DA na matugunan ang pangangailangang ito pagsapit ng December.
Noong October 1, bumisita ang Korean investors mula sa Carnot Fleet sa Simon’s Farm kasama ang DA at lokal na pamahalaan para suriin ang mga pangangailangan sa pagpapalawak ng produksyon.
Pinag-aaralan din ang cold storage, mechanization, automated irrigation, consolidation facilities, ube processing at carbon credit opportunities.
Samantala, may processing facilities na sa Quirino State University na pinondohan ng DA-Bureau of Agricultural Research para sa pag-develop ng export-quality ube powder.
Nakapagawa na ang pasilidad ng ube powder samples na tumutugon sa quality standards ng Japan, sa tulong ng Department of Trade and Industry sa marketing.
Ayon kay DA Cagayan Valley Regional Executive Director Rose Mary Aquino, target munang palawakin sa 100 ektarya ang ube production sa Isabela bago umabot sa 500 ektarya pagsapit ng 2028.
Kasama sa plano ang pag-uugnay ng maliliit na magsasaka sa private investors at institutional buyers para matiyak na may pagbebentahan ang kanilang ani. /Bistado


