Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

Task Force Disiplina, binuwag ni QC Mayor Joy matapos mamaril ang isang miyembro

Binuwag ni Quezon City Mayor Joy Belmonte ang Task Force Disiplina matapos pagbabarilin umano ng isa nitong miyembro ang tatlong kabataan, kabilang ang isang menor de edad, sa Barangay Batasan Hills nitong Lunes, October 12.

Epektibo ngayong Martes, October 13, wala nang awtorisadong operasyon o pagpapatrolya ang grupo. Pinabalik din ni Belmonte ang lahat ng miyembro sa kanilang mother unit, ang Department of Public Order and Safety (DPOS).

Nag-ugat ang desisyon sa pamamaril bandang alas-2 ng madaling araw sa Senatorial Street, kanto ng Batasan-San Mateo Road.

Batay sa inisyal na imbestigasyon, sinita ng isang miyembro ng Task Force Disiplina ang mga kabataang nasa labas umano nang lampas sa curfew.

Nasa impluwensiya umano ng alak ang suspek nang magalit matapos sagutin umano siya nang pabalang ng isa sa mga kabataan.

Bumunot umano ito ng baril kaya nagtakbuhan ang mga biktima. Hinabol sila ng suspek hanggang sa isang eskinita, kung saan sila pinagbabaril.

Nasawi ang tatlong kabataang edad 16, 18 at 19, ayon sa isang police account.

Tumakas ang suspek ngunit naaresto sa follow-up operation. Narekober din ng pulisya ang mga baril na iniimbestigahan ngayon, kabilang ang .38-caliber revolver na iniugnay sa pamamaril.

Nahaharap ang suspek sa tatlong bilang ng reklamong murder.

Kasunod ng insidente, iniutos ni Belmonte na sumailalim sa mahigpit na background check, neuropsychological examination at drug test ang lahat ng dating miyembro ng Task Force Disiplina. Kailangan din nilang magsumite ng National Bureau of Investigation (NBI) at police clearances bago payagang manatili sa DPOS.

“Walang palalampasin sa pagsusuring ito,” diin ng lokal na pamahalaan.

Nilinaw ng Quezon City government na walang baril na inisyu sa mga miyembro ng Task Force Disiplina at tanging mga pulis lamang ang awtorisadong magdala ng armas sa hanay ng mga tauhan at force multiplier ng lungsod.

Inatasan din ni Belmonte ang Quezon City Police District, sa pamumuno ni Police General Chris Olazo, na paigtingin ang kampanya laban sa iligal na baril.

Hinimok ang publiko na tumawag sa Helpline 122 kung may makitang dating miyembro ng Task Force Disiplina na patuloy na nagpapatrolya o mga sibilyang nagdadala ng hinihinalang ilegal na armas.

“Walang buhay na dapat mawala dahil sa iresponsableng paggamit ng armas,” ayon sa pahayag ng lokal na pamahalaan. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles