Timbog ang dalawang suspek sa magkahiwalay na pagnanakaw sa dalawang gadget shop sa Danao City, Cebu, kung saan umabot sa P3.69 milyon ang iniulat na halaga ng mga natangay na kagamitan.
Nabawi rin ng pulisya ang 55 cellphone, isang tablet at isang charger sa isinagawang follow-up operation.
Ayon sa Philippine National Police (PNP), nilooban ang dalawang gadget shop sa National Road, Barangay Sabang, Danao City noong October 8.
Matapos ang imbestigasyon, natunton ng mga operatiba ang dalawang adult suspect na sakay ng isang puting van sa Daanbantayan, Cebu, pasado hatinggabi noong October 9.
Agad silang inaresto at narekober ang mga gadget na hinihinalang bahagi ng ninakaw na mga kagamitan.
Patuloy namang tinutugis ang apat pang adult suspect at iba pang indibidwal na iniulat na mga menor de edad na posibleng sangkot sa dalawang robbery incidents.
Inaalam din ng mga imbestigador ang buong pangyayari habang hinahanap ang natitirang mga ninakaw na gamit.
Nasa kustodiya na ng pulisya ang dalawang naarestong suspek habang inihahanda ang mga dokumento para sa pagsasampa ng kaukulang kaso.
Pinayuhan naman ng PNP ang mga negosyante na tiyaking maayos ang kandado at seguridad ng kanilang mga establisimyento, panatilihing gumagana ang CCTV cameras at agad ireport ang kahina-hinalang aktibidad.
Hinimok din ang publiko na ipagbigay-alam sa pulisya ang anumang impormasyon tungkol sa mga suspek sa halip na personal silang komprontahin. /Bistado


