Sinita ng Commission on Audit (COA) ang Commission on Higher Education (CHED) dahil sa P6.61 bilyong hindi nagamit na pondo at P941.87 milyong scholarship transactions na may problema sa disbursement, dokumentasyon at pamamahala.
Sa 2025 annual audit, P44.97 bilyon lamang, o 87.18 porsiyento, ng P51.59-bilyong budget allotments ng CHED ang na-obligate. Sa halagang ito, P28.54 bilyon ang nabayaran, habang P16.43 bilyon ang nanatiling unpaid obligations.
Bukod dito, kinuwestiyon ng COA ang P941.87 milyong transactions sa tatlong scholarship programs.
Pinakamalaki ang P716.19 milyon sa CHED Merit Scholarship Program (CMSP), kung saan nakita ang irregular disbursements, unsupported payments at unliquidated fund transfers.
May mga pagkaantala rin sa applications, kakulangan sa pag-verify ng eligibility, nawawalang disbursement vouchers at grants na napunta sa mga estudyanteng kumukuha ng non-priority courses.
Na-flag din ang P134.97 milyon sa Staff and Instructors’ Knowledge Advancement Program (SIKAP) dahil sa mahinang monitoring, kulang na dokumentasyon at kawalan ng malinaw na timeline para sa return-service obligations ng scholars sa Central Luzon at Northern Mindanao.
Samantala, P90.71 milyon ang kinuwestiyon sa Coconut Scholarship Program (CoScho) sa Bicol Region, Northern Mindanao at Soccsksargen.
Kabilang sa findings ang hirap sa pagbawi ng pondo mula sa scholars na hindi nakapanatili ng required 80-percent general weighted average at paggamit ng scholarship funds sa mga gastusing hindi awtorisado sa ilalim ng Coconut Farmers and Industry Development Plan.
Ayon sa COA, naglalagay ang mga kakulangan sa panganib na hindi mabawi o magamit sa maling layunin ang pondo.
Hindi naman nangangahulugang ninakaw o nawala ang buong P941.87 milyon. Ang audit findings ay tumutukoy sa mga transaksiyong kailangang ipaliwanag, suportahan ng dokumento o itama.
Magkahiwalay ding usapin ang P6.61 bilyong hindi na-obligate at ang P941.87 milyong scholarship transactions na kinuwestiyon ng COA. /Bistado


