Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

Special bus route sa LRT-2, pinag-aaralan para bawasan ang siksikan

Special bus route mula Antipolo City hanggang Recto Avenue sa Manila ang pinag-aaralan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) para mabawasan ang matinding siksikan at mahabang pila sa Light Rail Transit Line 2 (LRT-2).

Sinimulan na ng LTFRB ang pakikipag-ugnayan sa Light Rail Transit Authority (LRTA) para sa feasibility study ng panukalang bus service, kasunod ng direktiba ni Acting Transportation Secretary Giovanni “Banoy” Lopez.

Ayon kay Acting LTFRB Chairman Atty. Greg Pua Jr., layunin nitong magbigay ng alternatibong masasakyan sa mga pasahero, lalo na tuwing rush hour.

“The initial information that we have is the significant increase of passengers of the LRT-2 especially during rush hours in the morning and the afternoon. Our goal is to come up with new routes that will serve as alternative mode of transportation for the passengers,” sabi ni Pua.

Gagayahin ng panukalang serbisyo ang konsepto ng EDSA Busway, kung saan magkakaroon ng designated pick-up at drop-off points malapit sa mga istasyon ng LRT-2.

Nauna nang lumabas sa assessment na umaabot ang siksikan mula sa station platforms hanggang sa ibabang bahagi ng mga istasyon at kalapit na kalsada, dahilan ng mahabang paghihintay ng commuters.

Partikular na apektado ang mga estudyante at manggagawang nagmamadaling pumasok sa umaga at makauwi sa hapon.

Bukod sa rush-hour congestion, target ding magsilbing alternatibo ang bus service kapag may aberya sa operasyon ng tren.

Kabilang sa makikipag-ugnayan sa pag-aaral ang mga lokal na pamahalaan ng Antipolo, Pasig, Marikina, Quezon City, San Juan at Manila para tukuyin ang angkop na ruta at bus stops.

“We assure all our kababayan that the LTFRB and the LRTA are now focusing on this matter and will come up with the results of the study in the soonest possible time,” ani Pua.

Isusumite sa Department of Transportation ang resulta at mga rekomendasyon para sa pagsusuri at pag-apruba.

Wala pang pinal na ruta, iskedyul o petsa ng pagsisimula ng special bus service dahil nasa feasibility study stage pa lamang ang panukala. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles