Malalimang imbestigasyon ang hiniling ng Institute for Occupational Health and Safety Development (IOHSAD) matapos mamatay ang tatlong manggagawa habang nagsasagawa ng maintenance work sa sewage treatment plant ng Dusit Thani Residence sa Davao City.
Kinilala ang mga nasawi na sina Engr. Reuben James “RJ” Ramos, 30; Rexter Banal, 27; at Lance Molijon, 26, na nagtatrabaho sa pasilidad noong Lunes, October 5, nang magkaroon ng iniulat na gas leak.
Ayon sa IOHSAD, bandang alas-2 ng madaling araw nang makatanggap ng report ang Special Rescue Force ng Davao City Fire District (DCFD).
Gayunman, bangkay na ng tatlong manggagawa ang naabutan at narekober ng rescue team.
Nakatukoy ang DCFD ng mataas na antas ng carbon monoxide sa lugar. Ipinaliwanag nitong ang matagal na exposure sa naturang gas ay maaaring magdulot ng pagkahilo o suffocation.
Hindi pa kumpirmado kung carbon monoxide poisoning ang ikinamatay ng tatlo dahil hinihintay pa ang resulta ng autopsy.
Nakiramay ang IOHSAD sa mga pamilya nina Ramos, Banal at Molijon at sinuportahan ang kanilang panawagan na malaman ang buong pangyayari.
Hiniling ng grupo sa Davao City Police Office na isapubliko ang resulta ng imbestigasyon.
Nanawagan din ito sa Department of Labor and Employment (DOLE) Davao Region na magsagawa ng hiwalay na imbestigasyon para matukoy kung nasunod ng Dusit Thani Residence ang occupational safety and health (OSH) standards at kung may naganap na paglabag.
Bukod dito, hinimok ng IOHSAD ang Senado na maghain ng counterpart bill ng House Bill No. 10559 para amyendahan ang OSH Law at magtakda ng criminal liability sa mga paglabag sa workplace safety standards na nagreresulta sa pagkamatay ng manggagawa.
Ayon sa grupo, administrative fines lamang ang maaaring kaharapin ng mga employer na mapatunayang lumabag sa kasalukuyang OSH standards. Kinuwestiyon din nito ang umano’y paggamit ng financial settlements at quitclaims para pigilan ang mga pamilya ng biktima sa paghahabol ng pananagutan.
Iginiit ng IOHSAD na kailangang matukoy ang eksaktong sanhi ng pagkamatay ng tatlong manggagawa, masuri ang mga safety measure sa pasilidad at papanagutin ang sinumang mapatutunayang lumabag sa batas. /Bistado


