Timbog ang isang 22-anyos na delivery rider matapos umanong magbenta online ng mga ninakaw na camera at lente na nagkakahalaga ng humigit-kumulang P304,000 sa Maynila.
Naaresto ang suspek noong October 7 sa isang entrapment operation ng pulisya matapos matukoy ang mga nawawalang kagamitan na iniaalok sa isang online marketplace.
Nagsimula ang imbestigasyon nang makita ng may-ari ang kanyang nawawalang cameras at lenses sa isang online listing.
Agad siyang humingi ng tulong sa pulisya para mabawi ang mga kagamitan.
Nagkunwaring bibili ang mga operatiba at nakipagkasundo na makipagkita sa suspek. Sa kanilang pagtatagpo, ipinakita ng rider ang mga camera equipment.
Sinuri muna ng pulisya ang identifying details ng mga kagamitan at kinumpirmang tumutugma ang mga ito sa mga iniulat na nawawala bago inaresto ang suspek.
Nahaharap ang rider sa reklamong paglabag sa Presidential Decree No. 1612 o Anti-Fencing Law of 1979, na nagpaparusa sa pagbili, pagtanggap, pagtatago o pagbebenta ng mga ari-ariang nagmula sa pagnanakaw o robbery, kung natutugunan ang mga rekisito ng batas.
Pinayuhan naman ng Philippine National Police (PNP) ang publiko na maging maingat sa pagbili ng mamahaling kagamitan online.
Dapat tiyakin ang pagkakakilanlan ng seller, humingi ng patunay ng pagmamay-ari at itago ang transaction records.
Hinikayat din ang publiko na ireport sa pulisya ang kahina-hinalang online listings at iwasang personal na komprontahin ang mga pinaghihinalaang nagbebenta ng nakaw na gamit.
Patuloy na pinoproseso ang reklamo laban sa suspek para sa kaukulang legal proceedings. /Bistado


