Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

P319M China-linked remittances sa VP Sara-linked firm, paiimbestigahan sa Kamara

Paiimbestigahan sa Kamara ang mahigit P319 milyong remittances mula umano sa China at Hong Kong patungo sa CALE88 Foods Corp., kumpanyang may kaugnayan sa asawa ni Vice President Sara Duterte na si Atty. Manases “Mans” Carpio.

Ito ang tiniyak ni Deputy Speaker at Zambales Rep. Jefferson “Jay” Khonghun nitong Linggo matapos manawagan ang mga mangingisda sa lalawigan na siyasatin ang mga transaksiyon at protektahan ang kanilang kabuhayan at karapatan sa West Philippine Sea.

“Hindi ko ipagpapalit ang kabuhayan ng ating mga mangingisda o ang karapatan ng Pilipinas sa West Philippine Sea para sa pansariling interes ng sinuman. We will conduct a congressional investigation on this matter,” sabi ni Khonghun.

Kasama ni Zambales second district Rep. Doris “Bing” Maniquiz, tinanggap ni Khonghun ang manifesto ng mga mangingisda mula sa Sta. Cruz, Masinloc, Palauig, Iba at San Narciso.

Nais ng mga mangingisda na matukoy kung sino ang nagpadala ng pera, sino ang tumanggap at para saan ginamit ang mga remittances.

Nauna nang lumitaw sa impeachment proceedings ni Duterte ang P319.3 milyong transaksiyon ng CALE88 na kabilang sa covered o suspicious transactions na tinukoy sa Anti-Money Laundering Council (AMLC) records.

Iginiit naman ni former Senator Antonio “Sonny” Trillanes IV na nagmula umano ang naturang halaga sa mga entidad na may kaugnayan sa gobyerno ng China.

Wala pang pinal na finding na nagpapatunay na may ilegal na transaksiyon o kapalit na pabor sa naturang remittances.

Gayunman, hinamon ni Khonghun ang bise presidente na magpaliwanag.

“VP Sara, bakit ka tumanggap ng pera galing China? Ang ating mga mangingisda ay itinataboy palayo sa ating sariling karagatan. Mas malaki ang nagagastos nila sa gasolina, mas kaunti ang huli, at nahihirapan silang pakainin ang kanilang pamilya. Ngayon ay nalaman nila na daan-daang milyon ang nanggaling sa China at Hong Kong patungo sa mga interes na may kaugnayan sa pamilya ng Vice President. Karapat-dapat ang sambayanang Pilipino sa malinaw at tuwirang sagot.”

Sa kanilang manifesto na pinamagatang “Panawagan ng mga Mangingisda ng Zambales,” nilinaw ng fisherfolk na hindi nila ipinapalagay na may napatunayan nang palitan ng pabor o paglabag sa batas.

Hiniling nilang suriin ng Senate Impeachment Court kung may opisyal ng gobyernong naglagay sa interes ng ibang bansa sa ibabaw ng karapatan ng Pilipinas sa West Philippine Sea.

Kung walang makitang paglabag o kompromiso sa interes ng bansa, nais din nilang malinaw itong ipahayag sa publiko.

Ayon sa mga mangingisda, nahihirapan silang makapasok sa kanilang tradisyonal na fishing grounds dahil sa mga aktibidad ng China. Napipilitan silang bumiyahe nang mas malayo, gumastos ng mas malaking halaga sa gasolina at kung minsan ay umuwing kakaunti o walang huli.

“These fishermen are not asking for special treatment. They are simply asking that their livelihood and the country’s rights not be traded away,” ani Khonghun.

“I stand with them. The truth must come out, and anyone who sold out the Filipino people must be held accountable,” dagdag niya.

Bukod sa imbestigasyon, hiniling ni Khonghun ang mas mahigpit na proteksiyon para sa mga mangingisdang Pilipino sa West Philippine Sea.

Nanawagan din ang fisherfolk ng sapat na seguridad at livelihood assistance. Binigyang-diin nilang hindi sila naghahangad ng digmaan o komprontasyon sa China kundi ligtas at mapayapang pangingisda.

Nagsimula ang aktibidad sa coastal protest at nagtapos sa pormal na pagsusumite ng manifesto kina Khonghun at Maniquiz. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles