Posible umanong malagpasan ng Philippine Economic Zone Authority (PEZA) ang P300 bilyong investment approvals target ngayong 2026 matapos umabot sa P297.14 bilyon ang naaprubahang investments hanggang katapusan ng September.
Ayon kay PEZA Director General Tereso Panga nitong Biyernes, October 9, inaasahang maaaprubahan sa susunod na linggo ang tatlong malalaking proyekto na nagkakahalaga ng tig-P1 bilyon, na magdadala sa ahensya sa panibagong record year.
“When everybody else was doubting us, then we have proven them wrong,” ani Panga sa Arangkada Philippines Forum 2026 sa Pasay City.
Hindi muna pinangalanan ni Panga ang tatlong kumpanyang nasa semiconductor at hyperscale technology sectors. Itatayo ang kanilang mga proyekto sa New Clark City sa Tarlac.
Sa kabuuan, humigit-kumulang P10 bilyong investment pledges ang susuriin ng PEZA Board sa pagpupulong nito sa susunod na linggo.
May plano rin ang isang Japanese company na mamuhunan ng P1 bilyon sa electronics manufacturing sa Carmelray Industrial Park sa Calamba at Laguna Technopark sa Biñan.
Para sa 2027, sinabi ni Panga na tiyak na mas mataas ang magiging investment target, bagaman hindi pa ito opisyal na naaaprubahan.
“There is no way but up,” aniya.
Ayon sa PEZA chief, patuloy ang paglipat ng ilang kumpanya mula sa ibang bansa sa Asia patungong Pilipinas.
Bagama’t renewable energy ang nanguna sa investment approvals ngayong taon, inaasahan niyang mas dadami sa 2027 ang high-tech investments sa laser beam technology, silicon carbide at advanced packaging.
Magpapatuloy din aniya ang renewable energy investments basta nakapaloob ang mga proyekto sa economic zones. /Bistado


