Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

DA sa kabataang Pinoy: Magsaka!

Hinihikayat ng Department of Agriculture (DA) ang bagong henerasyon na pasukin ang pagsasaka at pangingisda sa pamamagitan ng paggawa sa mga ito bilang kumikitang negosyo at kaakit-akit na propesyon.

Sa XII Ibero-American Conference of Ministers of Agriculture and Fisheries sa Córdoba, Spain, iginiit ng Pilipinas na hindi sapat ang pamamahagi ng lupa, pautang at subsidiya para solusyunan ang tumatandang populasyon ng mga magsasaka.

“Para sa Pilipinas, ang pagpapalit ng bagong henerasyon sa agrikultura at pangisdaan ay hindi lamang tungkol sa pagpapalit sa tumatandang henerasyon. Tungkol ito sa paglikha ng mga kondisyon na magbibigay sa mga kabataan ng malinaw at makabuluhang dahilan upang tingnan ang agrikultura at pangisdaan bilang isang propesyon, negosyo, at kinabukasan,” ani DA Assistant Secretary Atty. Willie Ann Angsiy.

Kinatawan ni Angsiy si Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. sa kumperensyang ginanap noong September 24 hanggang 25 at dinaluhan ng mga delegado mula sa 22 bansang Ibero-American. Lumahok din ang Pilipinas at Japan bilang mga inimbitahang bansa.

Kabilang sa isinusulong ng DA ang Young Farmers Challenge, na nagbibigay ng panimulang puhunan, business development support at mentoring para matulungan ang mga kabataan na magtayo ng sariling agribusiness.

Pinalalawak din ang training programs ng Agricultural Training Institute at partisipasyon ng youth councils sa pagbuo ng mga polisiya.

Gayunman, aminado ang DA na dagdag na hamon ang climate change, inflation at geopolitical tensions na nagpapataas ng panganib at nagpapahirap sa pagkakaroon ng matatag na kita sa agrikultura.

Binigyang-diin din ni Angsiy ang pangangailangang palakasin ang partisipasyon ng kababaihan, partikular sa pagkuha ng puhunan, teknolohiya, pagsasanay, access sa merkado at pamumuno sa mga kooperatiba.

“Ang pagkilala sa kanilang ambag ay dapat samahan ng nasusukat na access sa financing at teknolohiya, pagsasanay at mga pamilihan, pati na rin ng mga oportunidad sa pamumuno sa mga kooperatiba, organisasyon ng mga producer, at iba pang institusyong pang-agrikultura,” ani Angsiy.

Nagtapos ang kumperensya sa pag-adopt ng Córdoba Declaration para palakasin ang international cooperation sa food security, innovation, digitalization at sustainable agriculture, kasama ang mas malaking papel ng kabataan at kababaihan.

Inaasahang magiging bahagi ang deklarasyon ng mga paghahanda para sa 30th Ibero-American Summit sa Madrid sa November. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles