Tinalo ng La Salle ang Ateneo, 83-76, sa ika-100 laro ng kanilang UAAP men’s basketball rivalry sa Mall of Asia Arena sa Pasay City nitong Miyerkules.
Itinaas ng panalo ng Green Archers sa 50-50 ang kanilang tunggalian at tumabla sa Blue Eagles sa 3-2 sa unang round ng Season 89.
“We really discussed how important this is for everyone, so we just toughed it out,” ani La Salle coach Topex Robinson. “We did something we committed to and we said whatever happens, we have to stick with what we prepared for.”
Nanguna ang La Salle, 72-70, sa fourth quarter bago rumatsada sa 11-2 run na tinuldukan ng three-pointer ni Jacob Cortez, may 2 minuto at 16 na segundo pa sa laro para sa 83-72 kalamangan.
Umiskor si Cortez ng walo sa kanyang kabuuang 12 puntos sa payoff period upang pangunahan ang Green Archers. Nagdagdag din siya ng limang assists, tatlong rebounds at isang steal.
Nagtala sina Joaquin Tovera at JC Macalalag ng tig-15 puntos upang ibigay sa La Salle ang ikalawang sunod na panalo.
Umiskor si Shawn Tuano ng 17, habang may 14 si Jared Bahay, para sa Ateneo na galing sa dalawang sunod na panalo.
Nahirapan ang prized rookie ng Blue Eagles na si Kieffer Alas, na nagtapos lamang sa limang puntos matapos ang 2-of-11 shooting.
Sa kabilang laro, dominado ng National University Bulldogs ang Adamson Soaring Falcons, 85-66, upang umangat din sa 3-2.
Umiskor si PJ Palacielo ng 19 puntos para sa Bulldogs, na natalo sa Blue Eagles, 76-87, noong Oktubre 3 matapos manguna nang hanggang 17 puntos.
Bumagsak ang Adamson sa 2-2.
Sa women’s division, naghabol mula sa 14-puntos na kalamangan ang Ateneo upang talunin ang La Salle, 79-66, para sa unang panalo nito.
Sa kartadang 1-2, lumikha ang Ateneo ng four-way tie para sa fourth place kasama ang La Salle, Adamson at University of the Philippines.
Nagtala ang two-time Most Valuable Player na si Kacey Dela Rosa ng 26 puntos, 13 rebounds, limang steals, apat na assist at dalawang block.
“Very happy na we got our first win today against La Salle. ‘Yung mindset lang namin lahat is ‘yung sinabi ni coach PJ [Navarro] na matalo na sa lahat, ‘wag lang sa La Salle,” ani Dela Rosa, na huling season na sa UAAP.


