Tila hindi nagbakasyon ng mahigit isang buwan ang NLEX nang magtala ng rekord na 138-78 panalo kontra Macau nitong Miyerkules sa pagbabalik ng PBA Season 50 Governors’ Cup sa Ninoy Aquino Stadium sa Maynila.
Umiskor si Schonny Winston ng 25 puntos habang muntik magtala ng triple-double ang bagong import na si Deonte Burton sa kanyang debut sa liga matapos magtala ng 22 puntos, 14 rebounds at walong assists upang pangunahan ang Road Warriors.
“It feels good, it shows the work we’ve been putting in for the break and we just want to keep winning and keep putting in the effort,” ani Burton, na pumalit sa injured na si DeQuan Jones.
Ikawalong panalo ito ng NLEX sa 10 laro sa Group A.
Ang 60-puntos na winning margin ay tinalunan ang 56-puntos na naitala ng Rain or Shine laban sa Blackwater sa Commissioner’s Cup noong Marso 31.
Mas mabagsik din ito kumpara sa 114-75 panalo ng NLEX laban sa bisitang koponan noong Hulyo 10, ang unang laban ni coach Jimmy Alapag.
“Really happy with the win. Siyempre, any time you’re coming off a 52-day break, especially tonight, with Macau, I felt going into the game very similar to the first time we played them? Parang we didn’t know what their lineup was, ang daming bagong players nila,” ani Alapag.
“So, my message to the guys was, we know what we’re preparing for. I want our guys’ mindset and focus to understand what we have ahead of us and obviously not to look past Macau but even with this long break to come with the right mindset and the right focus and the right effort and I thought we did that.”
Ikatlong sunod na pagkatalo ito ng Macau, dahilan upang bumagsak sa 2-7 at tuluyang mawalan ng tsansa sa quarterfinals.
Gumawa rin ng ilang pagbabago ang Giant Pandas mula nang malampaso ng San Miguel Beer, 131-79, noong Agosto 8. Kabilang dito ang pagkuha kay Oscar Lopez Jr. kapalit ni DeVondre Perry. Nagpakitang-gilas naman ang dating NBA campaigner sa kanyang PBA debut matapos magtala ng 36 puntos at 13 rebounds.
Ngunit lumipat sa iba pang koponan ng EASL (East Asia Super League) sina Jenning Leung, Ramon Cao at Damian Chongqui kaya si Kobey Lam na lamang ang lehitimong banta para sa Macau, at sinikap niyang patunayan iyon matapos magtala ng 22 puntos.
Maging si head coach Marcus Elliott ay abala sa isang personal na bagay at hindi nakadalo.
Sa ikalawang laro, nagbalik si Calvin Oftana matapos ang tatlong buwan at agad nagpakitang-gilas sa kanyang 31 puntos upang pangunahan ang defending champion TNT sa 116-92 pagdurog sa Terrafirma.
“Feeling rookie uli, sobrang excited,” ani Oftana.
Nagpakawala si Oftana ng walong puntos, kabilang ang dalawang tres, sa unang yugto upang itakda ang tono para sa Tropang 5G, na gumanti sa 106-111 pagkatalo sa Dyip sa kanilang nakaraang paghaharap.
Nagkaroon din ng solidong debut ang bagong import na si Nick Hornsby matapos magtala ng 26 puntos habang nagbigay ng sapat na suporta sina Jordan Heading, Henry Galinato, Rey Nambatac at RR Pogoy na may 14, 13, 11 at 10 puntos, ayon sa pagkakasunod, upang makasabay ang TNT sa Converge sa 5-4 habang ibinaba naman ang Terrafirma sa 3-6.
Nakarekober na ang 6-foot-5 na si Oftana mula sa paulit-ulit na calf injury, problema sa kanang paa/daliri na kinailangang operahan at ilang ankle sprain.
Naglalaro rin sa unang pagkakataon sa conference ang beteranong si Jayson Castro matapos ang malubhang injury sa tuhod.
“Unti-unti, nakukumpleto. But we’re still without Brandon Ganuelas-Rosser because of dengue. And we’re still missing Kelly Williams and Poy Erram,” ani TNT coach Chot Reyes.
The scores:
First Game
NLEX 138 – Winston 25, Burton 22, Bolick 14, Semerad 10, Alas 10, Gonzales 10, Torres 9, Marcelo 7, Nieto 6, Herndon 6, Racal 5, Valdez 5, Gamboa 3, Rodger 0, Capulong 0.
MACAU 78 – Lopez 36, Lam 22, Chao 8, Liu 5, Lao 3, Chen 2, Lu 0, Zhu 0.
Quarters: 38-23; 70-43; 105-61; 138-78
Second Game
TNT 116 – Oftana 31, Hornsby 26, Heading 14, Galinato 13, Nambatac 11, Pogoy 10, Khobuntin 4, Ambohot 3, Castro 2, Jalalon 2, Celzo 0, Quitevis 0, Varilla 0, Enciso 0, Hill 0.
TERRAFIRMA 92 –Ahanmisi 27, Strings 25, Paraiso 11, Catapusan 5, Bravo 5, Eriobu 5, Chiu 4, Zaldivar 3, Adamos 3, Miller 2, Garcia 2, Tiongson 0, Mariano 0, Umali 0, Hanapi 0.
Quarters: 27-22; 57-42; 79-62;116-92


