Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

Susunod na misyon ng Team Pilipinas: 2028 LA Olympics

Mula sa kanilang paglapag sa Maynila nitong Lunes, dumiretso ang Team Pilipinas ng 20th Asian Games sa isang masayang pagdiriwang ng pasasalamat.

Nagtipon ang matagumpay na mga atletang Pilipino — may medalya o wala — sa isang restawran sa Maynila para sa opisyal na pagsalubong at press conference.

Magkakasama ang mga lalaking naghatid ng apat na gintong medalya ng Pilipinas mula sa Nagoya, Japan — double gymnastics gold medalist na si Carlos Edriel Yulo (men’s floor exercise at men’s vault), back-to-back pole vault king na si Ernest John Obiena, at ang double taekwondo medalist at flag bearer sa closing ceremony na si Jeus Gabriel Derick Yape (gold sa virtual taekwondo mixed individual at bronze sa men’s poomsae).

Umuwi ang Team Pilipinas na may kabuuang 29 medalya (4 ginto, 9 pilak, 16 tanso) — ang pinakamataas na kabuuang dami ng medalya sa Asian Games sa loob ng 64 na taon.

Ngayon ay nakatuon na ang atensyon sa 2028 Los Angeles Olympics.

“Doon ang focus, doon ang direksyon, doon din ang focus ng funding ng government. Huwag bibitaw, huwag bibitinin. Dapat buhos para sa LA 2028!” ani Philippine Olympic Committee president Abraham Tolentino.

Ang malaking bahagi ng mga medalya ng Pilipinas ay nagmula sa mga pangunahing Olympic disciplines at inilatag ni Tolentino ang mga agarang laban para sa qualification na haharapin ng mga atleta:

Tennis (Alex Eala): Kasalukuyang world No. 18 at pasok na pasok sa top 50 Olympic cutoff, halos sigurado na si Eala sa LA 2028 at kailangan lamang niyang lumahok nang dalawang beses sa Billie Jean King Cup upang makuha ang kanyang slot. Nagkamit siya ng bronze sa women’s singles ng Asiad.

Boxing: Magsisimula sa 2027 sa Almaty, Kazakhstan ang Olympic qualification series.

Taekwondo: Matapos ang 1-3-1 na medal surge sa Nagoya, maghahanda ang national jins para sa Asian Continental Qualifying Tournament.

“If you will dissect the result of the Asian Games, tingnan niyo lahat ng Olympic sports doon — those Olympic sports, ’yun dapat ang focus natin after the Asian Games: Training, exposure, and joining all qualifying slots,” ani Tolentino.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles