Sinimulan na ngayong araw, Martes, ang pamamahagi ng P5,000 fuel subsidy para higit 135,000 tricycle drivers sa Metro Manila.
Nagtakda ang pamahalaan ng 30 payout sites sa buong National Capital Region para sa mas mabilis na distribusyon ng ayuda sa mga qualified beneficiaries.
Kinakailangan ng mga driver na magpakita ng valid ID at mga dokumentong patunay ng kanilang pagiging rehistradong tricycle driver, alinsunod sa validation ng kani-kanilang lokal na pamahalaan.
Opisyal na inilunsad ang distribusyon ng cash assistance sa ASAC Covered Court sa Sta. Mesa, Manila. Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pamamahagi ng tulong at nakipag-usap siya sa ilang driver at operator na tumanggap ng ayuda.
“Kaya ito ang ginawa namin. Nagsimula ngayon para sa lahat lalo na ‘yung mga transport workers mga tricycle driver, pati lahat ng nagpapasada, lahat sa mga transport sector ay bibigyan namin ng tulong para naman may kaunting pampahabol sa pagtaas ng presyo,” ani Marcos sa kanyang mensahe sa distribusyon.
Dagdag pa ng Pangulo, layunin ng programa na maibsan ang epekto ng pagtaas ng presyo ng krudo sa hanapbuhay ng mga tsuper at sa gastos ng mga commuter.
“Iyon na ‘yung nagpapasada para hindi naman masyadong mahirapan kayo, hindi naman masyadong mahirapan ang mga commuter na pumupunta sa trabaho at kahit tumataas ang mga presyohan. Kaya ito ay patuloy naming gagawin hanggang ganito pa ang sitwasyon,” dagdag niya.
Ang pamamahagi ng fuel subsidy ay bahagi ng cash relief assistance program ng pamahalaan para suportahan ang transport sector sa gitna ng pagtaas ng presyo ng langis.
Patuloy ang koordinasyon ng pamahalaan sa mga lokal na pamahalaan at iba pang ahensya para matiyak ang maayos na rollout ng ayuda sa beneficiaries sa Metro Manila.
Samantala, inanunsyo ng Malacañang na palalawakin pa ang fuel subsidy program pagsapit ng April para makatulong sa mas maraming driver ng public utility vehicles sa buong rehiyon.
Ayon sa pahayag ni Executive Secretary Ralph Recto, aabot sa 396,352 PUV drivers sa Metro Manila ang makikinabang sa pinalawak na programa, kabilang ang mga driver ng transport network vehicle services, motorcycle taxis, bus, at jeepneys.
Layunin ng hakbang na matulungan ang mas malawak na sektor ng transportasyon na makasabay sa epekto ng pagtaas ng presyo ng langis na may kaugnayan sa tensyon sa Middle East. /Bistado


