Labinsiyam na transaksyong sinuri mula sa sinumpaang salaysay ni dating Sen. Antonio “Sonny” Trillanes IV ang may katapat umano sa mga rekord ng Anti-Money Laundering Council (AMLC), ayon kay House prosecution adviser at spokesperson Ace Barbers.
Sinabi ni Barbers nitong Biyernes, October 2, na karapat-dapat sa masusing pagsisiyasat ang mga inilantad ni Trillanes tungkol sa mga transaksyong pinansyal at corporate interests na umano’y may kaugnayan kay Vice President Sara Z. Duterte at sa kanyang pamilya.
“The disclosures made today (Friday) by former Senator Antonio Trillanes IV deserve serious attention,” ani Barbers.
Binigyang-diin niyang hindi pa nangangahulugang napatunayan na ang lahat ng alegasyon. Gayunman, sinabi niyang may mahahalagang bahagi ng financial trail na may katapat na sa mga rekord ng pamahalaan.
“Senator Trillanes did not merely give us accusations. He identified a financial trail. And portions of that trail have already been independently corroborated by official records,” pahayag niya.
Ayon kay Barbers, random na pinili ang 19 transaksyon mula sa mga annex ng affidavit ni Trillanes noong April 22 pagdinig ng House Committee on Justice. Hindi umano si Trillanes ang pumili ng mga transaksyong ibeberipika.
“Nineteen out of nineteen transactions checked had corresponding transactions in the AMLC records. Not one. Not two. Nineteen out of nineteen,” ani Barbers.
Idinagdag niyang lahat din ng unang 15 bank account na ikinumpara ng prosekusyon ay tumugma umano sa mga account na nakatukoy sa AMLC records.
Ito aniya ang dahilan kung bakit orihinal na isinama si Trillanes sa witness list para sa Article II ng impeachment case, na sumasaklaw sa mga alegasyon tungkol sa financial transactions, assets, corporate interests at posibleng pagkakaiba sa sinumpaang Statements of Assets, Liabilities and Net Worth (SALNs) ni Duterte.
Humiling si Trillanes na huwag na siyang iharap bilang prosecution witness upang hindi umano madagdagan ang pressure sa prosekusyon. Ngunit iginiit ni Barbers na ang pag-atras ng isang testigo ay hindi awtomatikong nagpapawalang-bisa sa umiiral na mga dokumento.
“But a witness stepping away from the witness stand does not make independently existing documents disappear,” sabi niya.
“AMLC records remain AMLC records. Bank records remain bank records. SEC records remain SEC records. SALNs remain sworn public documents,” dagdag niya, na tinutukoy ang Securities and Exchange Commission (SEC).
Sa kanyang public presentation, tinalakay ni Trillanes ang mga makasaysayang transaksyong nais niyang ihambing sa SALNs ni Duterte; mga transaksyong umano’y kinasasangkutan ng ilang miyembro ng pamilya Duterte at negosyanteng si Samuel “Sammy” Uy; at corporate records ng Gencorp Industries Inc., Metro City Chow Foods Corporation at iba pang kaugnay na entidad.
Naglabas din siya ng alegasyon tungkol sa financial activity ng Cale88 Foods Corporation, na iniuugnay sa asawa ng Bise Presidente na si Atty. Manases “Mans” Carpio. Kabilang dito ang umano’y mahigit P319 milyon na pumasok sa Cale88 mula sa gobyerno ng China at mga korporasyong nakabase roon.
Ang alegasyong ito ay hindi pa pinal na napagtitibay ng impeachment court at kailangan pang subukin laban sa mga opisyal na dokumento at testimonya.
Inaasahang maghahain ang AMLC ng mga buod ng covered at suspicious transaction reports na may kaugnayan umano kina Duterte, Carpio at ilang juridical entities. Kabilang din sa inaasahang records ang inward remittances sa Cale88 mula sa China at iba pang bansa, gayundin ang insurance at investment-related transactions.
“Ang tanong ngayon ay hindi kung paniniwalaan ba si Trillanes. Ang tanong ay: Ano pa sa mga inilantad niya ang mapapatunayan ng mga opisyal na rekord?” ani Barbers.
“Sundan ang pera. Sundan ang mga dokumento. Ihambing sa SALN. At hayaang ang opisyal na rekord ang magpatunay kung saan hahantong ang ebidensya,” dagdag niya. /Bistado


