Nabili na nang buo ng PLDT Inc. ang Radius Telecoms Inc. matapos kunin ang natitirang 65.1 porsiyentong stake sa fiber telecommunications company sa halagang P2.94 bilyon.
Dahil dito, 100 porsiyento nang pag-aari ng PLDT ang Radius. Dati nang hawak ng telco giant ang 34.9 porsiyento ng kumpanya.
Binili ng PLDT ang natitirang shares mula sa Paragon Vertical Corp., wholly owned subsidiary ng e-Meralco Ventures Inc., na pag-aari naman ng Manila Electric Company o Meralco.
Naunang inaprubahan ng Meralco board noong May 4 ang pagbebenta ng 65.1 porsiyentong stake sa indicative consideration na P2.935 bilyon. Inaprubahan naman ng PLDT board ang transaksiyon noong May 14.
Nilagdaan ng PLDT, Paragon at Radius ang Share Purchase Agreement noong June 4.
Sakop ng acquisition ang 4,647,494 common shares na nakarehistro sa Paragon, kasama ang beneficial interest sa anim na qualifying shares na hawak ng nominee directors para sa Paragon.
Sa pagkumpleto ng bentahan, hindi na subsidiary ng Meralco ang Radius. Wholly owned subsidiary na ito ng PLDT.
Fiber telecommunications company ang Radius na nagsisilbi sa enterprise at residential markets. Umaabot ang full fiber-optic network nito sa Mega Manila at mga kalapit na probinsiya, pati Clark at Cebu.
Kabilang sa iniaalok nitong serbisyo ang Direct Internet Access, Global Networking, Managed at Cloud services. Nasa consumer broadband market din ito sa pamamagitan ng RED Fiber.
Unang kumuha ng stake ang PLDT sa Radius noong 2024, nang bilhin nito ang 34.9 porsiyento ng kumpanya sa halagang humigit-kumulang P2.12 bilyon. /Bistado


