Umabot sa humigit-kumulang P600,000 ang diperensya sa acquisition cost na nakasaad sa Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) ni Vice President Sara Duterte at presyo sa deed of sale ng isang property sa Island Garden City of Samal na sinuri sa Senate impeachment trial nitong Huwebes.
Napansin ni Senate President Sherwin Gatchalian na nasa P4 milyon ang acquisition cost sa SALN na sinusuri ng impeachment court, habang P3.4 milyon ang nakasaad sa 2018 deed of sale.
Bago ikumpara ang dalawang halaga, tinanong ni Gatchalian si acting Samal Register of Deeds Marco Pineda kung karaniwang tumataas o bumababa ang presyo ng lupa sa lungsod.
“Tumataas po based on public knowledge,” sagot ni Pineda.
Nilinaw naman niyang assessor’s office, hindi Registry of Deeds, ang may saklaw sa property valuation.
“Posible ba yun kung talagang one and the same property yan?” tanong ni Gatchalian tungkol sa magkaibang halaga.
Sinabi ni Pineda na iyon ang figures na nasa records. Nang tanungin tungkol sa property prices sa Kembali area, sinabi niyang hindi pa niya personal na napuntahan ang development pero ang pagkaunawa niya ay tumataas ang values.
Nilinaw niyang personal opinion lamang ito at hindi official o legal assessment sa halaga ng property.
Sinabi naman ni defense lawyer Lindon Bacquel na nanatiling pareho ang acquisition cost, habang tumaas ang assessed at market values ng idineklarang property mula 2013.
Binigyang-diin ni Presiding Officer Francis “Chiz” Escudero na acquisition cost, hindi nagbabagong market value, ang kailangang ilagay sa SALN.
Hindi naipaliwanag sa testimony kung bakit magkaiba ang P4 milyon sa SALN at P3.4 milyon sa deed of sale. Hindi rin sinabi ni Pineda na patunay ng iregularidad ang diperensya.
Sinilip din kung kailan posibleng legal na nailipat ang ownership.
Tinunton ni Escudero ang Samal property na acquired noong 2013, unang lumitaw sa 2015 SALN bilang “installment,” naging “deferred installment” noong 2016 at 2017, at kalaunan ay na-reflect bilang sale noong 2018.
“So, posible po ba na sale on installment itong lupang pinag-uusapan natin? At dineklara lamang nung fully paid na ito sa kanyang SALN?” tanong ni Escudero.
Sinabi ni Pineda na wala siyang personal knowledge kung ito ang nangyari.
Ipinaliwanag naman niyang hindi agad naililipat ang ownership sa contract to sell.
“There is no transfer, so the title remains in the name of the original registered owner,” sabi ni Pineda.
Maaari namang i-register ang deed of sale para maipatupad ang transfer ng real property.
Bahagi ang pagsusuri sa Samal property ng Article II ng impeachment case, kung saan ikinukumpara ng prosecution ang SALNs ni Duterte sa property, corporate, tax at financial records kaugnay ng mga alegasyon sa kanyang wealth at asset declarations. /Bistado


