Hindi umano ipapasa sa publiko ang dagdag na gastos sa pag-imprenta ng Philippine passport, pagtitiyak ni Presidential Communications Office (PCO) Secretary Dave Gomez.
Ayon kay Gomez, tumaas na ang printing cost habang nananatili ang kasalukuyang rate mula pa noong 2016. Subsidy mula sa Department of Foreign Affairs (DFA) ang hinihingi ng APO Production Unit Inc. para sagutin ang dagdag na gastos.
“Pero ang sinasabi ko kanina, kung ano man iyong pagtataas ng printing cost ng passport, hindi natin ipapasa sa mamamayan. It will not be a pass on cost,” sabi ni Gomez.
“So ang iyong dagdag na cost ng passport ay hopefully manggaling doon sa budget ng DFA na ngayon nakasalang na ito sa Senado at sa Congress,” dagdag niya.
“The additional cost of printing, we will not pass on to the Filipino,” diin ni Gomez.
Ganito rin ang paglilinaw ni APO President Atty. Gil Carlos Puyat sa Senate finance subcommittee matapos matanong ni Sen. JV Ejercito tungkol sa napabalitang posibleng pagtaas ng passport fee mula P950 patungong P1,500.
“Just to be clear, we are not asking for the increase of the price to the public, but what we’re really asking for is a subsidy that the DFA includes in their budget,” sabi ni Puyat.
Ayon kay Puyat, frozen mula 2016 ang printing rate habang tumaas ang gastos sa raw materials, logistics at foreign exchange. Nakaapekto rin umano ang inflation at pagpapahaba sa passport validity mula limang taon patungong 10 taon.
Hiniling ni Ejercito sa APO na isumite ang subsidy request para mapag-aralan ng Senate finance panel. /Bistado


