Tuloy ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte kahit piliin ng kanyang mga abogado na hindi na lumahok sa proceedings, ayon sa House prosecution.
Ito ang sinabi nina prosecution spokesperson at private counsel Jay Tolosa at Manila Rep. Joel Chua nang tanungin nitong Biyernes kung ano ang mangyayari sakaling i-boycott ng defense ang paglilitis.
“Well, that will be unfortunate if they do that, since syempre magandang pakita natin sa taong bayan na hinaharap ng diretsuhan ng Bise Presidente itong mga importante at mahahalaga at mabibigat na akusasyon sa kanya,” sabi ni Tolosa.
Ayaw aniya nilang pangunahan ang magiging hakbang ng defense. Pero sinabi niyang malinaw na ang impeachment court ay may mandatong tapusin ang paglilitis at magpasya sa kaso.
“Ayaw natin silang pangungunahan kung anong magiging hakbang na gagawin nila. Pero kung gagawin yan, sinagot na din ng Senate President no ang katanungan na yun. Sabi niya tuloy ang kaso since nagsimula na ito, dapat tuloy yung pinag-uutos ng Saligang Batas na to try and decide this impeachment case,” ani Tolosa.
Kung hindi lumahok ang defense, sinabi niyang magpapatuloy ang prosecution sa pagharap ng ebidensiya ex parte, o kahit wala ang kabilang panig.
“So lahat kami merong obligasyon na siguraduhing matapos yung paglalatag ng ebidensya pagkatapos doon sila magde decide. So we will present evidence ex-parte. So hindi natatapos ang obligasyon ng prosecution na magpresenta ng ebidensya at ang obligasyon ng senator-judges na magpasya base sa ebidensya dahil lamang ang isang partido ay ayaw nang lumahok,” sabi niya.
Kapag hindi sumipot ang defense lawyers, sinabi ni Tolosa na isinusuko nila ang karapatang mag-cross-examine ng prosecution witnesses.
“They waive their right to cross examine kung hindi na sila lalahok, at normal naman iyan even in ordinary cases,” ani Tolosa.
“Kung hindi sila lalahok, then will continue to present evidence and the court will continue to hear it,” dagdag niya.
Para naman kay Chua, kung naniniwala ang defense na walang ebidensiya laban kay Duterte, walang dahilan para katakutan ang pagpapatuloy ng trial.
“Eh kung naniniwala po sila na wala namang ebidensya, ano na maikakatakot nila? At the end of the day, ang taong bayan din naman ang magsasabi kung tama ba o mali ang ginagawa ng prosecution,” sabi niya.
Sinabi rin ni Chua na posibleng magtalaga ang impeachment court ng abogado mula sa Public Attorney’s Office (PAO) para kumatawan kay Duterte kung hindi na lumahok ang kanyang kasalukuyang defense team.
“Ako po naniniwala pu-pwedeng pong mag-assign ng abogado ang ating impeachment court para po sa defense sa pamamagitan po ng PAO. So kung talagang ipipilit po nila na ayaw nilang mag-participate, pwede pong mag-assign ng ating presiding officer ng abogado para po ma depensahan ang ating Bise Presidente,” ani Chua.
Kailangan ding maghain ng withdrawal of appearance ang defense lawyers kung tuluyan silang aalis sa kaso.
Pero sinabi ni Chua na posibleng maantala ang proceedings kapag nagtalaga ng bagong abogado dahil kailangan nitong maghanda.
“Hindi po natin masasabi na matutuloy agad-agad. Madi-delay po kahit papaano yung trial para mabigyan ng pagkakataon na makapag-handa po yung abogado na ia-assign po ng ating impeachment court,” sabi niya. /Bistado


