Diretso India na!
Maglulunsad ang Philippine Airlines (PAL) ng nonstop flights mula Manila patungong Delhi at Mumbai simula December, sa oras na makuha ang kinakailangang approval mula sa gobyerno ng India.
Gagamit ang flag carrier ng 168-seat Airbus A321neo aircraft sa dalawang bagong ruta, na magbibigay ng direct air connection mula Ninoy Aquino International Airport (NAIA) patungo sa dalawa sa pangunahing cultural at commercial centers ng India.
“Opening services to Delhi and Mumbai strengthens PAL’s network in one of Asia’s most dynamic economies. These routes will create new opportunities for Filipinos to explore India while supporting the growing movement of travelers, businesses, and goods between our two countries,” sabi ni PAL President Richard Nuttall.
Tatlong beses kada linggo ang Manila-Delhi flights. Aalis ang mga biyahe mula NAIA tuwing Lunes, Miyerkules at Biyernes, habang tuwing Martes, Huwebes at Sabado naman ang Delhi-Manila flights.
Mas madalas ang lipad sa Mumbai.
Apat na beses kada linggo ang Manila-Mumbai service, tuwing Martes, Huwebes, Sabado at Linggo. Ang Mumbai-Manila flights naman ay tuwing Lunes, Miyerkules, Biyernes at Linggo.
Target ng PAL na gawing mas madali ang biyahe ng mga pasaherong pupunta sa India para sa negosyo, bakasyon at cultural exploration.
Hindi lang pasahero ang makikinabang sa pagbubukas ng dalawang ruta.
Palalawakin din ng Delhi at Mumbai flights ang cargo capacity sa pagitan ng Pilipinas at India. Ayon sa PAL, makakonekta ang mga shipment sa mas malawak nitong international cargo network.
Bahagi rin ng hakbang ang pagpapalawak ng international network ng flag carrier at pagkuha sa lumalaking passenger at trade traffic sa pagitan ng dalawang bansa.
Delhi ang capital at isa sa pangunahing business at cultural gateways ng India, habang Mumbai ang isa sa pinakamalalaking commercial at financial centers nito.
Sa December nakatakdang magsimula ang dalawang nonstop services, pero nakasalalay pa rin ang aktuwal na paglulunsad sa approval ng Indian government. /Bistado


