Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

‘Tama na ang panlilinlang’: Ridon binanatan ang petisyon ni VP Sara sa SC

Mariing kinontra ni Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon ang petisyong inihain ni Vice President Sara Duterte sa Korte Suprema para ipatigil ang impeachment proceedings laban sa kanya sa Kamara.

Sa isang pahayag, sinabi ni Ridon na ang petisyon ay isang “malinaw na pagtatangka para iligaw ang Korte Suprema at publiko,” dahil sa umano’y maling paglalahad ng mga pangyayari at maling interpretasyon ng Konstitusyon.

Naghain si VP Sara ng 58-page petition for certiorari at prohibition na may kahilingan para sa temporary restraining order at writ of preliminary injunction para ihinto ang mga pagdinig ng House Committee on Justice.

Pinangalanan sa petisyon ang House of Representatives, ang House justice panel, ang Senado, at mga complainant bilang respondents. Hiniling din na ideklarang unconstitutional ang ilang probisyon ng House rules kaugnay ng impeachment.

Isa sa pangunahing argumento ng kampo ni Duterte ay wala umanong kapangyarihan ang komite na magsagawa ng isang “mini-trial,” dahil ang paglilitis ay nakalaan lamang sa Senado bilang impeachment court. Iginiit din sa petisyon na kulang umano sa “ultimate facts” ang mga reklamong isinampa laban sa kanya.

Binanggit din sa petisyon ang umano’y paglabag sa due process at one-year ban rule, at ang sinasabing kakulangan ng valid referral mula sa plenaryo ng Kamara.

Ngunit ayon kay Ridon, hindi totoo ang mga alegasyong ito. Aniya, malinaw sa rekord na ang referral ng impeachment complaints ay ginawa ng buong House of Representatives alinsunod sa Section 3(2), Article XI ng 1987 Constitution.

Dagdag pa niya, walang probisyon sa batas na nag-uutos na kailangan ng deliberasyon bago ang referral. Wala rin umanong mambabatas na tumutol sa proseso noong isinagawa ito.

Sa usapin ng one-year ban, sinabi ni Ridon na iisa lamang ang valid referral ng mga reklamo sa Committee on Justice, kaya walang paglabag sa nasabing probisyon.

Binigyang-diin din niya na may kapangyarihan ang komite na magsagawa ng pagdinig, maglabas ng subpoena, at mangalap ng ebidensya bilang bahagi ng proseso ng impeachment, alinsunod sa Konstitusyon at umiiral na alituntunin.

Ayon kay Ridon, a kabila ng petisyon ni VP Sara, magpapatuloy ang pagdinig ng House Committee on Justice, lalo na sa mga isyung may kaugnayan sa paggamit ng confidential funds.

“Tama na ang panlilinlang. Tama na ang pagsisinungaling. Panahon na para harapin ang katotohanan,” diin ni Ridon. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles