Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

‘Safer Cities’ initiative ng DILG, pinalagan ng grupo ng lawyers

Umani ng batikos mula sa National Union of Peoples’ Lawyers (NUPL) ang pinaigting na pagpapatupad ng “Safer Cities” campaign ng Department of the Interior and Local Government (DILG) matapos ang serye ng operasyon sa Metro Manila, kabilang ang Quezon City sa nagdaang mga araw.

Sa pahayag ng grupo ngayong April 8, kinondena nila ang pagkakahuli ng mahigit 80 residente sa Quezon City dahil sa umano’y paglabag sa curfew, pag-inom sa pampublikong lugar, paglabas nang walang damit pang-itaas, at paggawa ng ingay sa gabi. 

“Whatever label officials give it, this was a sweeping and punitive operation aimed at ordinary people, most of them from poor communities, for acts tied to daily life,” saad ng NUPL.

Tinatawag ding “Oplan Galugad,” ang mga operasyon sa Metro Manila ay bahagi ng mas mahigpit na pagpapatupad ng mga lokal na ordinansa sa ilalim ng “Safer Cities” campaign ng DILG na inanunsyo kamakailan ni Interior Secretary Jonvic Remulla.

Sa ulat ng National Capital Region Police Office (NCRPO), umabot na sa 24,881 indibidwal ang nahuli sa buong NCR sa unang dalawang araw ng operasyon. Sa bilang na ito, 8,075 ang nasita dahil sa pag-inom sa pampublikong lugar, kung saan 6,369 ang pinagmulta at 219 ang sinampahan ng kaso.

Mayroon ding 2,672 katao na nahuli dahil sa paglabas nang walang suot na pang-itaas, 2,245 para sa curfew violations, at 584 dahil sa paggamit ng videoke lampas 10:00 ng gabi. 

Pinakamaraming nahuli sa Southern Police District na may 12,211 violators, ayon sa NCRPO.

Sinabi ni NCRPO spokesperson Maj. Hazel Asilo na wala pang naitatalang repeat offenders sa ngayon, ngunit patuloy ang beripikasyon lalo na sa kaso ng mga menor de edad. Idinagdag niya na sa ilalim ng direktiba ng DILG, obligadong makiisa ang mga barangay sa pagpapatupad ng mga ordinansa.

Ayon sa Philippine National Police, ang kampanya ay bahagi ng mas malawak na layunin na palakasin ang police visibility at disiplina sa komunidad, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Sa gitna ng operasyon, iginiit ng NUPL ang legal na isyu sa mga pagdakip. Ayon sa grupo, “Secretary Jonvic Remulla cannot create crimes by press conference. The DILG may invoke its supervisory authority over local governments, and local governments may enforce their own ordinances, but a Cabinet Secretary’s announcement is not a law.”

Binigyang-diin din nila ang tanong sa proseso ng pag-aresto. “We raise a basic legal question: if these alleged violations are punishable only by fines, why were people arrested or taken into custody at all?”

Binanggit din ng NUPL ang proteksyon para sa mga menor de edad sa ilalim ng Juvenile Justice and Welfare Act, kung saan hindi sila maaaring pagmultahin o ikulong para sa curfew violations at dapat sumailalim sa community-based intervention.

Nauna nang naglabas ng direktiba ang DILG para sa mas mahigpit na pagpapatupad ng mga ordinansa laban sa street drinking, paglalakad nang walang pang-itaas, at paggamit ng videoke sa gabi.

Patuloy ang pagpapatupad ng mga operasyon sa iba’t ibang lungsod sa NCR, kasabay ng panawagan para sa malinaw na batayan at wastong proseso sa pagpapatupad ng mga lokal na batas. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles