Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

Marcos: PUV drivers, babayaran ng gobyerno kada kilometrong byahe simula April 15; 20% diskwento sa pasahe ipapatupad

Inanunsyo ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang pagpapatupad ng service contracting program para tulungan ang mga driver, operator, at pasahero ng public utility vehicles (PUVs) sa gitna ng pagtaas ng presyo ng langis.

Sa isang video message na inilabas ngayong Huwebes, April 9, sinabi ng Pangulo na sisimulan ng Department of Transportation ang programa sa April 15. Saklaw nito ang humigit-kumulang 50,000 PUV, 1,000 operator, at aabot sa 15 milyong pasahero sa buong bansa.

Sa ilalim ng programa, babayaran ang mga driver at operator ng mula P40 hanggang P100 kada kilometrong byahe. Layunin nitong makatulong sa kita ng sektor ng transportasyon na apektado ng sunod-sunod na oil price hike.

“Sa ilalim ng programang ito, babayaran namin ang ating mga operator at driver ng mula P40 hanggang P100 kada kilometro,” ani Marcos.

“Para naman sa mga commuter, may kasamang hindi bababa sa 20 porsyento na diskwento sa pamasahe,” dagdag niya.

Ipinaliwanag ng Pangulo na tugon ito ng pamahalaan sa panawagan ng mga driver at pasahero.

“Naririnig natin ang hinaing ng commuters at drivers, kaya agad tayong kumilos…Hindi natin kontrolado ang giyera sa labas ng bansa. Pero kontrolado natin ang tulong na maibibigay sa Pilipino,” ani Marcos.

Ipatutupad ang programa sa mga rutang konektado sa mga tren at pangunahing bus routes para mas maging maayos ang daloy ng biyahe.

Paliwanag ni Marcos, ang service contracting ay ipapatupad sa off-peak hours para masiguro na may masasakyan ang publiko kahit hindi rush hour.

“Lahat ng sasali ay may GPS monitoring para naman matiyak na actual ang biyahe at maayos ang serbisyo. Patuloy ang biyahe, patuloy ang hanapbuhay,” dagdag niya.

Kasabay nito, inanunsyo rin ang P10 kada litro na fuel subsidy para sa mga PUV driver. May limit itong 150 litro kada linggo at ipatutupad sa loob ng tatlong buwan. Ayon kay Marcos, sisimulan ang rollout sa National Capital Region bago palawakin sa iba pang bahagi ng bansa.

Dagdag pa niya, ipatutupad ang subsidy sa mga lehitimong gasolinahan na aprubado at mino-monitor ng Department of Energy para matiyak na hindi ito maaabuso. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles