Hindi pinagbigyan ng Korte Suprema ang hiling ni Vice President Sara Duterte na agad na ihinto ang impeachment proceedings laban sa kanya sa Kamara, matapos walang ilabas na temporary restraining order (TRO) ang korte nitong Miyerkules, April 8.
Sa halip, inatasan ng Supreme Court ang mga respondent na magsumite ng komento sa loob ng 10 araw mula sa pagtanggap ng abiso.
Pinagsama ng Korte Suprema ang dalawang magkahiwalay na kaso: G.R. No. E-05546, na inihain nina Atty. Israelito P. Torreon at iba pa laban sa House Committee on Justice, at G.R. No. E-05667, na inihain ni Sara Z. Duterte laban sa House of Representatives.
Ayon sa Korte Suprema, ang dalawang petisyon ay kapwa kumukuwestyon sa constitutionality ng proceedings ng House Committee on Justice kaugnay ng mga reklamong impeachment laban kay VP Sara.
Diniinan ng Korte Suprema na hindi nito dini-dismiss ang mga petisyon. Ang ginawa nito ay i-consolidate ang mga kaso at manghingi ng komento, “without necessarily giving due course to the petitions.”
Pero dahil walang kaakibat na TRO na inilabas, malinaw na sa ngayon, walang agarang utos para pigilan ang pag-usad ng proseso sa Kamara.
Sa kanyang 58-page petition for certiorari and prohibition, humiling si VP Sara ng urgent TRO at writ of preliminary injunction para mapigilan ang House Committee on Justice sa pag-aksyon sa mga impeachment complaint laban sa kanya. Hinihiling din niyang mapawalang-bisa ang mga kaugnay na hakbang ng House, committee, at Senate hinggil sa kanyang impeachment.
Sa petisyon, iginiit ng kampo ni VP Sara na unconstitutional umano ang impeachment proceedings at sinabing ang House Committee on Justice ay nagsasagawa na raw ng isang “trial in disguise,” sa halip na simpleng committee proceedings lamang. Ikinatwiran din niya na kulang umano sa “ultimate facts” ang mga reklamong inihain laban sa kanya, kabilang ang mga alegasyon sa confidential funds, non-declaration of assets, abuse of power, at pagbabanta laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Para sa House leadership, ang kawalan ng TRO ay malinaw na senyas na puwedeng magpatuloy ang constitutional process. Sa isang pahayag, sinabi ni House Speaker Faustino “Bojie” Dy III, “We have the highest respect for the Court and its processes, and we defer to its authority on matters properly brought before it.” Dagdag pa niya, “This reflects the proper balance among institutions, with each branch performing its role within the bounds of the Constitution.”
Simple naman ang banat ni House Committee on Justice member Terry Ridon matapos ang aksyon ng SC: “No Supreme Court TRO vs Duterte impeachment proceedings. See you [VP Sara] on April 14.” /Bistado


