Bagong bangayan ang umusbong sa Kamara matapos aprubahan ng House Committee on Suffrage and Electoral Reforms ngayong linggo ang substitute Anti-Political Dynasty Bill na inihain nina Speaker Bojie Dy and Majority Leader Sandro Marcos.
Habang aprubado na sa committee level ang panukala, umatras naman ang ilang mambabatas sa suporta at binatikos ang bersyon ng bill bilang mahina at “watered-down.”
Sa bersyong ipinasa ng komite, malilimitahan ang pagtakbo ng magkakamag-anak sa parehong lugar sa parehong panahon. Ang pangunahing probisyon nito ay nagbabawal sa mga kamag-anak hanggang second degree of consanguinity o affinity, tulad ng magulang, anak, asawa, kapatid, at biyenan, na tumakbo sa parehong lalawigan o lungsod sa parehong eleksyon.
Ayon sa mga kritiko, nananatiling maluwag ang panukala dahil hindi nito tuluyang ipinagbabawal ang political dynasties. Sa halip, nililimitahan lamang ang ilang sitwasyon ng sabay-sabay na pagtakbo. Ibig sabihin, posible pa ring magpalitan ng puwesto ang magkakamag-anak o tumakbo sa ibang posisyon o lugar, bagay na matagal nang ginagawa ng maraming political families.
Dahil dito, ilang sponsor ng mas mahigpit na anti-dynasty proposals ang umatras sa suporta matapos lumabas ang substitute bill. Ayon sa ilang mambabatas, malayo ang compromise version sa orihinal na layunin ng anti-dynasty reform na ganap na ipagbawal ang paghahari ng mga political families sa pamahalaan.
Sa isang pahayag, ipinaliwanag ng Makabayan Coalition, na kinabibilangan nina ACT Teachers Rep. Antonio Tinio, Gabriela Women’s Party Rep. Sarah Jane Elago, at Kabataan Rep. Atty. Renee Louise Co, kung bakit binawi nila ang suporta sa panukala.
“We, the Makabayan bloc, are withdrawing our support from the substitute anti-political dynasty bill being pushed by the House leadership. We restate our basic and non-negotiable position: we cannot support a bill that merely regulates political dynasties instead of prohibiting them, which is what the Constitution explicitly commands,” ayon sa kanilang joint statement.
Iginiit ng grupo na malinaw ang mandato ng Saligang Batas. “Article II, Section 26 of the 1987 Constitution does not say ‘regulate.’ It says ‘prohibit.’ Any enabling law that falls short of outright prohibition is not reform — it is a mockery of the Constitution, and we refuse to be party to it.”
Ayon pa sa Makabayan bloc, ang kasalukuyang bersyon ng panukala ay nag-iiwan ng maraming butas para makaiwas ang mga political dynasty sa mga limitasyon. “The substitute bill bears the fingerprints of the dynasties themselves — full of loopholes and deliberately designed to preserve the status quo. Ang tunay na layunin nito ay protektahan ang mga pamilyang makapangyarihan, hindi ang mamamayan.”
Dagdag pa ng grupo, halos apat na dekada nang hindi naipapasa ang batas laban sa political dynasties kahit malinaw ang utos ng Konstitusyon. “Hindi kami magpapagamit. Halos apat na dekada nang nilalabag ng Kongreso ang mandato ng Saligang Batas. Ngayon, mas malala pa: gusto nilang lumabag dito sa pamamagitan ng isang batas na nagpapanggap na sumusunod.” /Bistado


