Nasaan si Secretary Garin?
’Yan ang tanong na umalingawngaw sa unang pagdinig ng Senate Committee on Proactive Response and Oversight for Timely and Effective Crisis Strategy (PROTECT) ngayong araw, March 24.
Hindi ito simpleng late o no show. Sa gitna ng tumitinding problema sa presyo ng langis, sa gitna ng kaba ng publiko sa epekto ng gulo sa Middle East, wala ang kalihim na dapat nangunguna sa paliwanag at plano. Well, humabol na siya bandang hapon, pero dahil na rin yun sa himutok ni Sen. Loren Legarda.
At tamang reklamo naman talaga ang binigkas ni Sen. Loren. Diretsahan ang banat. Hindi raw patas na isisi sa Senado ang kakulangan sa aksyon kung ang DOE mismo ay wala sa mesa. Kung kailangan pala ng approval para magamit ang pondo ng Philippine National Oil Company (PNOC), bakit hindi ito sinabi habang may sesyon pa? Bakit ngayon lang lumilitaw?
Hindi ito simpleng miscommunication. Ito ay malinaw na sablay sa public service.
Mas lumala pa ang gulo dahil sa magulong mensahe ng pamahalaan. Sa isang banda, sinasabi ng Malacañang at kay Sec. Garin, wala raw oil crisis. “Price disruption” lang daw. Pero ayon sa mga ulat at sa mismong nararamdaman ng publiko, iba ang kwento. Mali at delikado ang ganitong paglalarawan dahil malinaw na sumisipa ang presyo ng langis at nadadamay ang kabuhayan.
Kaya saan ba talaga tayo lulugar?
Sa papel, kontrolado. Sa kalsada, kabaligtaran. Mahahabang pila sa sakayan. Bitin ang biyahe. Tumataas ang pamasahe. Sumasabay ang presyo ng pagkain. Ramdam na ramdam sa bulsa.
Hindi kailangan ng jargon para maintindihan ang nangyayari. Araw-araw itong nararanasan.
Sa ganitong sitwasyon, hindi sapat sabihing “wala namang krisis.” Hindi sapat ang price monitoring. Hindi sapat ang pagbuo ng committee kung wala namang malinaw na lider na humaharap at sumasagot. Obserbasyon nga ng ilan nating kabisto, si Sec. Garin, parang taga-announce na lang ng oil price hikes e. Yung tipong pagkatapos niyang magsalita sasabihin mo, “So? Anong gagawin ng DOE?”
Dapat sana klaro. Dapat sana present. Dapat sana may direksyon.
Oo, sanay mag-adjust ang Pilipino. Marunong magtipid. Marunong maghanap ng paraan. Pero hindi pwedeng kami na lang palagi ang mag-a-adjust. May limit din ang pagtitiis.
Kung may problema sa excise tax, ayusin agad. Kung may pondo, gamitin nang maayos. Kung kailangan mag mag-special session, gawin. Kung may krisis, aminin at harapin nang diretso.
Hindi hinihingi ng publiko ang perpekto. Ang hinihingi ay seryosong aksyon at malinaw na pamumuno. Sa ganitong panahon, bawat pagkukulang ng gobyerno, dagdag pasanin sa mamamayan.
Kaya oo, mahalagang tanong kung nasaan si Sec. Garin. Pero mas mahalagang tanong, nasaan ang malasakit at urgency?
Dahil kung ganito pa rin ang galaw, iisa lang ang sasabihin ng tao: Wag nyo kaming sagarin. /Bistado


