Nakapagpagasolina ka ba noong Lunes, kabisto?
Kung hindi, big-time taas-presyo ang sasalubong sa’yo at sa mga kapwa motorista simula ngayong Martes, March 10, matapos magpatupad ang mga kumpanya ng langis ng sunod-sunod na dagdag sa presyo ng produktong petrolyo.
Ayon sa Department of Energy (DOE), inaasahang aabot sa pagitan ng P17 hanggang P24 kada litro ang kabuuang itataas ng presyo ng diesel at iba pang fuel products sa loob ng linggong ito. Ngunit sa halip na isang bagsakang adjustment, pinagkasunduan ng oil firms na hati-hatiin ang pagtaas ng presyo sa loob ng ilang araw.
Ipinaliwanag ni Energy Secretary Sharon Garin na layunin ng staggered price adjustment na hindi ma-shock ng isang bagsakang malalaking pagtaas sa presyo ng gasolina at diesel ang mga motorista at sektor ng transportasyon.
Ang pagtaas ng presyo ay dulot ng patuloy na pagtaas ng pandaigdigang presyo ng langis kasunod ng lumalalang tensyon sa Middle East. Ayon sa mga ulat ng industriya at international market monitoring, tumaas nang malaki ang presyo ng krudo sa global market matapos ang mga pangyayaring may kaugnayan sa alitan sa pagitan ng Iran at Estados Unidos.
Sa ilalim ng staggered schedule, magkakaiba ang paraan ng pagpapatupad ng price hike ng mga kumpanya ng langis.
Para sa Petron, magtataas ito ng presyo ng diesel ng P11.60 kada litro simula March 10. Susundan ito ng dagdag na P3.80 kada litro sa March 11 at isa pang P3.80 kada litro sa March 12. Sa gasolina naman, magpapatupad ang Petron ng P5.20 kada litro na dagdag sa March 10, kasunod ang P1.80 kada litro sa March 11 at isa pang P1.80 kada litro sa March 12. Para sa kerosene, magtataas ito ng P19 kada litro sa March 10 at P6.50 kada litro sa March 11 at March 12.
Magpapatupad din ng hiwalay na adjustment schedule ang Shell. Sa diesel, nagtaas ito ng P14.55 kada litro sa March 10, kasunod ang P7.30 kada litro sa March 11 at P2.40 kada litro sa March 12. Para sa gasolina, nagtaas ito ng P5.25 kada litro sa March 10, P2.65 kada litro sa March 11, at P0.85 kada litro sa March 12.
Samantala, pinili ng Chevron ang ibang sistema. Magpapatupad ito ng pantay-pantay na pagtaas mula March 10 hanggang March 16. Para sa diesel, tataas ang presyo ng P2.50 kada litro bawat araw sa loob ng pitong araw. Para sa gasolina, magdaragdag ito ng P1 kada litro bawat araw sa parehong panahon.
Sa kabuuan, tinatayang aabot sa mga sumusunod ang kabuuang pagtaas ng presyo ng diesel sa bawat kumpanya ng langis: humigit-kumulang P24.50 kada litro sa Shell, P19.20 kada litro sa Petron, P20.20 kada litro sa Total, P17.50 kada litro sa Chevron, at P19 kada litro sa Jetty.
Habang ipinatutupad ang mga dagdag-presyo, patuloy na mino-monitor ng pamahalaan ang galaw ng pandaigdigang merkado ng langis at ang posibleng epekto nito sa ekonomiya ng bansa at sa presyo ng mga pangunahing bilihin. /Bistado


