Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

Tulong sa repatriated OFWs dahil sa Middle East conflict, hinahanda ng Iloilo

Naghahanda ang Iloilo City government ng tulong para sa mga overseas Filipino worker (OFW) na posibleng mapauwi dahil sa tensyon sa Middle East.

Ayon sa datos ng Public Employment Service Office ng Iloilo City, may 757 OFW mula sa lungsod na kasalukuyang nasa Middle East. Sa bilang na ito, 324 ang na-profile at nakumpirmang ligtas, habang 385 pa ang patuloy na bineberipika ng mga awtoridad.

Mayroon ding 15 OFW na inihahanda na para sa repatriation sakaling lumala ang sitwasyon sa rehiyon.

Ayon sa Iloilo City government, naghahanda na sila ng iba’t ibang assistance programs para sa mga OFW na mapipilitang umuwi dahil sa sitwasyon abroad.

Kabilang sa mga ihahandang tulong ang mga training program tulad ng Uswag Negosyo Academy at Retrain and Integrate Program para tulungan ang mga repatriated OFW na makahanap ng kabuhayan pagbalik sa lungsod.

Magbibigay din ang lungsod ng psychosocial support kabilang ang counseling at stress debriefing para sa mga OFW at kanilang pamilya na naapektuhan ng sitwasyon sa Middle East.

Mayroon ding financial assistance na ipagkakaloob sa pamamagitan ng Assistance to Individuals in Crisis Situation o AICS program.

Bukod dito, may livelihood support din sa pamamagitan ng Tindahan Livelihood Carts seed capital program para matulungan ang mga OFW na makapagsimula ng maliit na negosyo sa kanilang pagbabalik sa Iloilo City.

Dagdag ng pamahalaang lungsod, patuloy ang kanilang paghahanda at koordinasyon para matiyak na may sapat na tulong para sa mga OFW mula Iloilo na maaaring maapektuhan ng tensyon sa Middle East. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles