Malapit nang tuluyang mabasura ang travel tax matapos aprubahan ng House Committee on Ways and Means ang panukalang naglalayong alisin ang matagal nang ipinapataw na bayarin sa mga Pilipinong bumabyahe palabas ng bansa.
Sa pagdinig ng komite noong Lunes, inaprubahan ng panel ang substitute measure na nagkonsolida ng 17 magkakahiwalay na panukala na may layuning tuluyang tanggalin ang travel tax.
Pinamunuan ni Marikina Rep. Miro Quimbo ang pag-apruba ng panukala bilang chairman ng House Committee on Ways and Means.
Kabilang sa mga panukalang pinagsama sa substitute bill ang panukalang inihain ni House Majority Leader Ferdinand Alexander “Sandro” Marcos na naglalayong alisin ang travel tax na ipinapataw sa mga Pilipinong umaalis ng bansa.
Sa ilalim ng kasalukuyang sistema, ipinapataw ang travel tax sa kalakhan ng mga Pilipinong bumabiyahe palabas ng bansa, bagamat may ilang sektor na exempted o may reduced rate. Ayon sa patakaran ng Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority (TIEZA), umaabot sa P1,620 ang full travel tax para sa economy class passengers at P2,700 para sa first o business class passengers.
Ayon sa mga mambabatas, layunin ng panukalang alisin ang travel tax para mabawasan ang pinansyal na pasanin ng mga Pilipinong bumabiyahe palabas ng bansa. Kasabay nito, plano ring ilipat sa pambansang badyet ang pagpopondo sa ilang programang kasalukuyang umaasa sa travel tax collections.
Sa kasalukuyan, ang travel tax ang pinagmumulan ng pondo para sa ilang programang may kinalaman sa tourism infrastructure, higher education, at cultural heritage.
Gayunman, iginiit ni Quimbo na hindi nararapat na nakaasa sa pabago-bagong bilang ng mga bumabiyahe palabas ng bansa ang pagpopondo sa nasabing mahahalagang programa.
“Allow me to bounce off from last week’s session on the issue of the travel tax. Narinig na natin sa mga ahensya ang mga programang pinopondohan ng Travel Tax para sa turismo, edukasyon at kultura. Kinikilala natin na importante ang lahat ng ito pero hindi ito dapat magpatuloy at the expense and sacrifice of our Filipino travelers na karamihan ay middle class at kabataan,” ani Quimbo.
Dagdag pa ng mambabatas, mahalagang tiyakin na may matatag na pinanggagalingan ng pondo ang mga programang ito sa halip na nakaasa lamang sa dami ng mga Pilipinong bumabiyahe sa ibang bansa.
Sa ilalim ng panukala, ang mga programang kasalukuyang pinopondohan ng travel tax ay ililipat sa General Appropriations Act o taunang pambansang badyet upang matiyak na tuloy-tuloy ang kanilang operasyon.
Matapos aprubahan ng House Committee on Ways and Means, ipapasa na ang panukala sa Committee on Appropriations para sa karagdagang deliberasyon bago ito dalhin sa plenaryo ng House of Representatives para sa susunod na yugto ng proseso ng pagsasabatas. /Bistado


