Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

Tips para makatipid sa krudo habang papalo na sa P100/liter ang diesel

Papunta na sa bagong rekord ang presyo ng petrolyo sa bansa.

Batay sa four-day Mean of Platts Singapore forecast, inaasahang hahataw sa higit P100 kada litro ang diesel sa susunod na linggo kasabay ng panibagong malakihang oil price hike.

Sa ganitong sitwasyon, lalong napipiga ang bulsa ng mga motorista, lalo na ang mga driver na araw-araw nakadepende sa biyahe para kumita. Kaya naman kung anu-anong diskarte ang ginagawa nila para makatipid sa krudo habang tuloy-tuloy ang pagtaas ng presyo sa mga gasolinahan.

Nakapanayam ng Bistado ang ilang driver sa Metro Manila na nagsabing nagkakaroon na sila ng kanya-kanyang “tipid hacks” para mapakinabangan ang bawat patak ng krudo.

Isa sa mga madalas gawin ng ilang driver ay ang tinatawag nilang “full tank sa sagad.”

Sa ganitong paraan, hindi lang pinupuno ang tangke hanggang sa kusang huminto ang nozzle ng fuel pump. Pinapasagad pa nila ang tangke para mas marami ang mailagay na gasolina o diesel bago bumiyahe.

Ayon sa ilang driver, ginagawa nila ito lalo na kapag may balita na paparating na naman ang panibagong oil price hike. Para sa kanila, mas mabuti nang makapag-imbak ng mas maraming krudo habang hindi pa tumataas ang presyo.

Pero aminado rin ang ilan na may kaakibat na panganib ang ganitong diskarte. Kapag sobra ang laman ng tangke, maaaring mag-overflow ang gasolina at magdulot ng amoy sa loob ng sasakyan. May pagkakataon din na naapektuhan ang fuel gauge dahil naiipit ang hangin sa tangke.

Bukod sa ganitong paraan, may ilan ding driver na nagbabawas na ng pasada dahil sa taas ng presyo ng krudo. May mga araw na hindi na sila bumibiyahe o kaya ay mas kaunti ang biyahe para hindi agad maubos ang gasolina o diesel.

May ilan pa ngang taxi at jeepney driver na nagsasabing mas madalas silang pumipila sa terminal kaysa mag-ikot sa kalsada para maiwasan ang dagdag na konsumo ng krudo.

Habang tumataas ang presyo ng fuel, kapansin-pansin din ang pagdami ng mga commuter na mas pinipili ang mass transportation. May ilang kumpanya rin na nagka-carpool na ang mga empleyado kung saan nagsasalo-salo sila sa gasolina ng iisang sasakyan para makatipid.

Bukod sa mga diskarte ng mga driver, may ilang praktikal na payo rin ang mga automotive experts para makatipid sa krudo.

Una sa listahan ang maayos na maintenance ng sasakyan. Kapag maayos ang kondisyon ng makina, mas efficient ang paggamit nito ng gasolina o diesel. Malaking tulong ang regular na pagpalit ng langis, paglilinis ng air filter, at pag-check ng spark plugs.

Mahalaga rin ang tamang hangin sa gulong. Kapag kulang sa hangin ang tire pressure, mas mabigat umandar ang sasakyan at mas malakas kumain ng krudo.

Isa pang payo ng mga eksperto ay ang pag-iwas sa agresibong pagmamaneho. Ang biglaang arangkada at preno ay nagpapabilis sa konsumo ng gasolina. Mas matipid ang mahinahon at steady na pagmamaneho.

Pinapayuhan din ang mga motorista na iwasan ang matagal na pagpapaandar ng makina habang nakahinto. Kahit hindi umaandar ang sasakyan, tuloy-tuloy pa rin ang konsumo ng krudo kapag nakaandar ang makina.

Malaki rin ang naitutulong ng maayos na pagpaplano ng biyahe. Kapag pinagsama ang mga lakad sa iisang ruta, mas nababawasan ang konsumo kumpara sa pabalik-balik na maikling biyahe.

Sa gitna ng inaasahang pagtaas ng presyo ng diesel na posibleng pumalo sa P100 kada litro, malinaw sa maraming motorista ang isang bagay: Kailangan na talagang maging madiskarte sa bawat patak ng krudo. Sa panahon ng mahal na gasolina, bawat kilometro ay may katumbas na gastos. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles