Sa gitna ng tensyon sa Middle East at paggalaw ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado, tiniyak ng Malacañang na sapat ang suplay ng mga pangunahing bilihin at fuel sa bansa.
Kasabay nito, nanawagan ang pamahalaan sa publiko na umiwas sa panic buying.
Sa isang press briefing sa Palasyo, sinabi ni Presidential Communications Undersecretary at Palace Press Officer Atty. Claire Castro na wala pang naitatalang abnormal na paggalaw ng presyo ng mga pangunahing bilihin sa Metro Manila at iba pang rehiyon.
“There is no need for panic buying because our supply, especially of fuel and basic commodities, remains complete and sufficient,” pahayag ni Castro.
Ayon sa Palasyo, patuloy na mino-monitor ng Department of Trade and Industry (DTI) ang presyo at suplay ng mga produkto upang matiyak na nananatiling maayos ang daloy ng merkado sa gitna ng pandaigdigang krisis.
Gayunman, kinilala ng Malacañang na inaasahan ang pagtaas ng presyo ng fuel dahil sa patuloy na tensyon sa Middle East na nakaapekto sa global oil market.
Dagdag ni Castro, nagkasundo ang mga oil companies na ipatupad ang price adjustment sa staggered basis para mabawasan ang epekto nito sa mga consumer.
Hinimok din ng Palasyo ang publiko na agad ireport sa DTI at sa Department of Energy ang anumang hindi makatwirang pagtaas ng presyo.
Kasabay nito, nagbabala ang pamahalaan sa mga negosyanteng maaaring samantalahin ang sitwasyon sa pamamagitan ng hoarding o profiteering.
“If you are caught violating the law, such as hoarding or profiteering, the government will not let that go. You will be sued and charged,” babala ni Castro.
Sa isang hiwalay na panayam, ipinaliwanag ni Philippine Amalgamated Supermarkets Association Incorporated president Stephen Cua na kapag tumataas ang presyo ng krudo sa pandaigdigang merkado, kadalasang sumusunod ang pagtaas ng gastos sa transportasyon, kuryente, at produksyon.
Gayunman, sinabi ni Cua na wala pang opisyal na abiso mula sa mga manufacturer tungkol sa pagtaas ng presyo ng mga produkto dahil may mga stock pa ang retailers na nabili bago lumala ang tensyon sa Middle East.
Nagpaalala rin siya laban sa panic buying. “Kaya nga huwag tayong nagmamadaling magpanic buying. When we do that, nakatulong tayo sa pagtaas ng presyo. Relax lang tayo,” ani Cua.
Ayon sa kanya, kung nais maghanda ang mga mamimili, sapat na ang kaunting dagdag sa karaniwang binibili. “If you want to buy, maybe buy 15 percent more than what you normally do. You want to be on the safe side pero don’t buy more,” dagdag niya.
Binigyang-babala rin ni Cua na ang sobrang pag-iimbak ng produkto ay maaaring makaapekto sa supply chain, lalo na kung may problema sa delivery sa ilang probinsya.
“Itong problema sa probinsya, delivery, distribution. Kasi nga, yung gasolina, linilimit ng ibang gas stations. So yung mga trucks, di maka-deliver,” paliwanag niya.
Patuloy naman ang koordinasyon ng supermarket sector sa DTI at sa National Price Coordinating Council para bantayan ang suplay at presyo ng mga bilihin sa merkado. /Bistado


