Kabanata 5: Ang lihim sa likod ng apelyido
Bunga si Jiro ng isang lihim na pag-iibigan.
Mayor pa lamang noon si Claire De Dios sa San Juan—bata, matalino, at ambisyosa. Sa mata ng publiko, disiplinado at elegante. Pero sa likod ng mataas na gate ng kanilang mansyon, may mga gabing hindi niya kayang kalimutan.
Si Ruel.
Ang kanyang secretary. Tahimik, masinop, laging nasa tabi niya sa bawat appointment. Hindi mayaman. Hindi makapangyarihan. Pero may titig na diretso at totoo.
Sa mga sulok ng mansyon sa San Juan, sa mga gabing wala si Senator Luis, doon nagsisimula ang mga lihim. Sa study room na may dim na ilaw. Sa veranda kung saan rinig ang mga kuliglig. Isang paghawak sa kamay. Isang yakap na mas tumatagal kaysa dapat. Isang halik na hindi na napigilan.
Sa piling ni Ruel, hindi siya anak ng makapangyarihang senador. Hindi siya politiko. Isa lang siyang babae.
Ngunit ang mga lihim ay hindi nananatiling lihim.
Isang araw, nawala si Ruel.
Walang paalam. Walang paliwanag. Parang bula na nilamon ng hangin.
Hinabol niya ang ama niya.
“Nasaan si Ruel?”
Tahimik lang si Senator Luis. Nakaupo sa malaking silya, hawak ang baston.
“Huwag mo na hanapin.”
Nanginig ang kamay ni Claire. Buntis na siya noon.
“At yang nasa tiyan mo,” malamig na dagdag ng ama niya, “bilang na rin ang araw ng batang ’yan.”
Sa unang pagkakataon, hindi siya natakot para sa sarili niya.
Natakot siya para sa anak niya.
At doon nagsimula ang plano. /Itutuloy sa susunod na kabanata


