Kabanata 4: Sa loob ng mataas na pader
Habang inihahanda ang umagahan at isa-isang inilalatag ang mga kubyertos sa mahabang mesa, malalim ang iniisip ni Senator Claire De Dios.
Tahimik ang mansyon sa La Vista. Ang sikat ng araw sumasayad sa marmol na sahig. Sa labas, maayos ang mga halamang nakahanay. Sa loob, kontrolado ang lahat—maliban sa kaba sa dibdib niya.
Tama bang ipinadala na niya ang hudyat?
“Sen.”
Pumasok si Monching, ang matagal na niyang aide, may hawak na maliit na sobre.
“Naabot ko na, Sen.”
Bahagya siyang tumango. Isang buwan pa lang mula nang ilibing si Senator Luis De Dios—ang kanyang ama. Isang buwan mula nang tumahimik ang boses na matagal na nagdikta ng takbo ng buhay niya.
Ngayong wala na ito, wala nang hadlang.
Mag-e-18 na rin ang anak niya.
Ang anak na hindi tinanggap ng ama niya noon. Ang batang itinuring na dungis sa apelyidong De Dios.
Bumalik sa isip niya ang gabing iyon.
Malakas ang ulan. Sa loob ng ancestral house, malamig ang tono ng ama niya.
“Hindi puwedeng manatili ang bata rito,” mariin nitong sabi. “Masisira ang pangalan natin.”
“Anak ko siya,” nanginginig niyang sagot habang yakap ang sanggol.
“Mas mahalaga ang apelyido.”
Isang utos ang sumunod. Isang sasakyang naghihintay sa dilim. Isang sanggol na inilayo sa kanyang mga bisig.
Pero bago tuluyang mawala, mabilis siyang nakagawa ng paraan.
Isang maikling sulat.
Isang singsing na may ukit na De Dios.
Isang lihim na pangakong babawi siya pagdating ng panahon.
Ngayon, dumating na ang panahong iyon.
Wala na ang ama niya. Wala nang pipigil.
Tinitigan ni Claire ang malawak na bakuran ng mansyon—ang buhay na hindi kailanman naranasan ng anak niya.
“Kumusta ka na kaya, Jiro?” mahina niyang bulong. /Itutuloy sa susunod na kabanata


