Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

TALON SA BAGONG BUHAY – Kabanata 33

Kabanata 33: Mamahaling tanghalian

Binaybay nila ang kalsada patungong BGC. Tirik ang araw pero iba ang itsura ng paligid. Malinis ang kalsada. Maayos ang mga gusali. Parang hindi Metro Manila.

Napatingin si Jiro sa bintana ng sasakyan.

“Parang nasa ibang bansa,” bulong niya.

“Sanayan lang ’yan,” sagot ni Christian.

Tahimik si Jiro.

Pagdating nila sa Wolfgang, agad silang sinalubong ng hostess.

“Reservation under Claire,” sabi ni Claire.

Pinapasok sila at inihatid sa mesa. Tahimik ang loob kahit tanghali. Maayos ang pagitan ng mga mesa. Pormal ang galaw ng mga tao.

Napansin agad ni Jiro ang dami ng waiter.

Parang bawat kilos nila, may nakaabang.

“Good afternoon, ma’am.”

“This way, sir.”

“Water, sir?”

Napaupo si Jiro nang tuwid ang likod.

“Relax ka lang,” sabi ni Claire.

“Opo,” sagot niya.

Ilang saglit, may naglapag ng baso sa harap niya. May mga bula.

Uhaw na uhaw si Jiro. Hindi na siya nag-isip. Agad siyang lumagok.

Napahinto siya.

“Ma… di naman po ako nag-order ng softdrinks,” sabi niya.

Ngumiti si Claire. “Tubig lang ’yan, ’nak.”

“Ha?” napakunot ang noo ni Jiro. “Eh bakit po parang may bubbles?”

Napangisi si Christian.

“Sparkling water tawag d’yan,” sabi niya. “Para lang ’yang softdrinks, may carbonation, pero tubig lang talaga.”

Napatingin si Jiro sa baso.

“TUBIG ’to?” bulong niya.

Tumango si Christian.

Tahimik na ulit siyang uminom. Dahan-dahan na.

Pati tubig… may ganito pala…

Inabot sa kanya ang menu.

Binuksan niya.

Nanlaki ang mata niya.

Porterhouse… halos siyam na libo.

Ribeye… lampas anim na libo.

Filet mignon… halos tatlong libo.

“Ma…” mahina niyang sabi, “ganito po talaga?”

Napangiti si Christian. “Oo.”

Hindi na nagsalita si Jiro.

Umorder si Claire.

“Porterhouse for two. Medium rare.”

“Caesar salad. One.”

“German potatoes. Creamed spinach.”

“Lobster mac and cheese.”

Tumango ang waiter.

Tahimik si Jiro habang pinapanood ang lahat.

Isang ulam pa lang… parang ilang linggo ko nang pagkain dati…

Dumating ang tinapay.

Mainit. Malambot.

Kumuha siya ng isa. Dahan-dahan niyang kinagat.

Sumunod ang Caesar salad. Malaki ang serving.

Pagkatapos, dumating ang steak.

Makapal. Mainit. May sear sa labas.

Naghiwa si Claire.

“Tikman mo.”

Kumuha si Jiro ng piraso.

Isinubo niya.

Napahinto siya.

Lumambot agad ang karne.

“Grabe…” bulong niya.

“Masarap?” tanong ni Claire.

“Opo.”

Kumain sila nang tahimik. Paminsan-minsan, may lalapit na waiter.

“Everything okay, sir?”

“Yes,” sagot ni Christian.

Habang kumakain, naglalaro sa isip ni Jiro ang mga nangyari.

Kanina, kalahating milyon.

Ngayon, ganito naman…

Isang araw pa lang…

Natapos sila.

Pinunasan ni Claire ang labi niya.

“Tara,” sabi niya. “Gentle Monster.”

“Saan po ’yun?” tanong ni Jiro.

“Malapit lang.”

Tumango si Jiro.

Tahimik siyang tumayo at sumunod palabas.

Hindi pa rin niya lubos maintindihan ang lahat.

Pero alam niya, tuloy-tuloy na ’to. /Itutuloy sa susunod na kabanata

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles